KUNG SA daigdig ng pelikula laging
may kontrabida at ika nga’y parating
kalaban ng bida, at mga ‘supporting
cast’ na tinatawag – sa Senate mayrun din
Na kahalintulad n’yan sa katauhan
nina Pangilinan, Trillanes at Lagman,
Hontiveros – at sa ‘supporting cast’ naman,
isa si Eta Rosales ng CHR.
Na pare-parehong ubod ng gagaling
kung magsalita at kanilang pintasin
ang lahat na yata ng mga hakbangin
ni Duterte sa pagtupad ng tungkulin.
Walang di kinontra na mga pagkilos
at ibang bagay na dapat ipag-utos
nitong Malakanyang na di binatikos
ng mga yan sapol si Digong maluklok
(At kulang na lang ay pati ang personal
na buhay n’yan bilang ama ng tahanan,
na hiwalay sa tungkuling kanyang tangan,
ninanais gawing isyu kadalasan).
Marami at di lang itong proklamasyon
ng batas militar sa buong Mindanao
ang ibinubutas kay Pangulong Digong
para lang sirain ang Administrasyon.
Kesyo wala namang rebelyon umano
o sedition para ideklara nito
ang ‘martial law’ bakit nag-apura ito
na ipairal iyan (sa sariling gusto?)
Ano pa ba naman kayang matatawag
ang mga pagpatay na ginawa’t sukat
ng Maute, ISIS at mga Abu Sayyaf
diyan sa Marawi, na kasindak-sindak?
Ang ginawa nilang pagsakop sa lugar
ay maliwanag na ‘invasion,’ kundi man
‘sedition’ o tangkang agawing tuluyan
ang pamamahala sa’ting Inangbayan.
‘Yan maliwanag pa sa sikat ng araw
na tangkang sa ating gobyerno pag-agaw
sa parteng ito na sakop ng Mindanao,
at ng buong Isla pagdating ng araw.
Bakit imbes ating pintasan parati
si Digong sa kanyang gawang mabubuti,
ay di suporta ang sa gobyerno pati
ang ating itulong hangga’t maaari?
Sa akala kaya nina Pangilinan,
Trillanes, Hontiveros, Rosales, Lagman
may maiaambag na buti ang ganyang
pagiging ‘character actors’ at ‘actress’ nyan?
Eh kung sila kaya itong ipadala
natin sa Marawi, may magagawa ba
lalo si Trillanes na palaging kontra
sa Adminstrasyon ang pagkilos niya?
O ang sino pa man sa mga nabanggit
para pamunuan nila ang pagsagip
sa kaawa-awang ngayon ay naipit
sa gyera – di kaya tatakbong pabalik?
Kung sila ay wala rin lang magagawa
na ikabubuti nitong ating bansa,
mas makatutulong ang sila ay kusa
na lang maupo sa opis ng payapa.
At tigilan na ang walang katuturan
na pagbatikos kay Digong ng Dilawan;
At kung target muli nila’y Malakanyang,
Magtrabaho muna sila, saka na ‘yan!