Home Headlines Dahil sa pandemya, balik zero ang bilang ng taon ng penitensiya

Dahil sa pandemya, balik zero ang bilang ng taon ng penitensiya

913
0
SHARE

Hawak ni Angelito Angel ang kanyang pangbatbat. Kuha ni Ernie Esconde


 

SAMAL, Bataan — Matapos ang dalawang taong pagkakahinto dahil sa coronavirus disease, muling pinayagan ang pagsasagawa ng penitensiya ngayong Mahal na Araw sa Bataan tulad sa bayan ng Samal.

Ang nagpi-penitensiya man tulad ng mandurugo ay naapektuhan din ng pandemya dahil muling balik sila sa zero sa bilang ng taon na kanilang ipinangakong gagawin.

Sinabi ni Angelito Angel, isang welder/mason, na kahit naka-pitong taon na siya ng penitensiya bilang mandurugo, balik sa zero ulit siya dahil sa kanyang pagkakahinto dala ng pandemya.

“Sa pagpi-penitensya bilang mandurugo ay nakapitong taon na ako, eh dahil sa pandemya ay nahinto kaya back to zero ulit at bubunuin ko ulit ang 15 years na pangako ko,” sabi nito habang nililinis ang pangbatbat na kanyang gamit na pamalo sa likod.

Gawa sa tinilad na kawayan ang pangbatbat o panghampas ng dumudugong likod na ang bilang ay depende sa bilang ng taon na ipinangako bilang penitensiya.

Tumanggi si Angel na sabihin ang kahilingan niya sa pagpi-penitensiya dahil personal daw ito.

Ang kahilingan daw nila ay kasama sa maikling dasal na kanilang inuusal paghinto nila sa tapat ng mga kalbaryo kung saan lumuluhod sila o dumadapa na nakadipa ang dalawang kamay.

Handa na ang mga makukulay na kalbaryo sa Samal na may iba-ibang laki at hugis. Saglit na dumaraan dito ang mga mandurugo, manggagapang at nagpapasan ng krus sa Huwebes at Biyernes Santo habang maririnig ang pagbasang paawit ng Pasyon.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here