BOCAUE, Bulacan — Hindi na makagiling ng palay ang mga miller sa Intercity at Golden City dahil hindi na makadaan sa mga checkpoint ang mga trabahador dito.
Ayon kay Rose Dalangin, pangulo ng Milllers Association ng Golden City, sa ngayon ay sapat ang supply ng bigas ngunit nangangamba silang numipis ito dahil sa kakulangan ng produksyon mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine.
Reklamo nila na hindi sila makagiling ng palay dahil wala nang makapasok na mga trabahador at pahinante dahil hinaharang ang mga ito sa mga checkpoints. May mga ibinigay naman sila na employment certificates sa mga empleyado nila ngunit hindi rin pinapadaan para makapasok sa trabaho.
Bukod sa mga manggagawa sa mga gilingan, maging ang mga supply ng palay mula sa ibang probinsya ay kasama na rin sa mga nahaharang at hindi na makarating sa mga millers sa Bocaue.
Kaya’t panawagan nila sa mga otoridad na maiayos ng maaga ang sitwasyon na ito nang sa gayon ay maiwasan na maapektuhan sa ipinapatupad na enhanced community quarantine ang supply ng bigas sa merkado.
Ang Intercity at Golden City sa bayan ng Bocaue ay ang sentro ng gilingan ng palay na nagsu-supply ng bigas sa Bulacan, mga karatig lalawigan at Metro Manila.