DAHIL SA EDUKASYON:
    Dumagat, mas handa, may tiwala sa sarili, malawak ang kaisipan

    791
    0
    SHARE

    NORZAGARAY, Bulacan – Mas higit na handang humarap sa hamon ng kinabukasan ang mga katutubong Dumagat ngayon.

    Ito ay dahil sa edukasyong hatid ng mga misyonerong guro, na ayon sa mga katutubo ay nagpapatibay ng kanilang kalinangan.

    Wala pang katutubo ang nakatapos ng kolehiyo ngunit para sa kanila ito ay isang magandang simula.

    Ayon kay Dante Dela Rosa, 24, mas handa ang kasalukuyang henerasyon ng mga katutubong Dumagat sa kabundukan ng Sierra Madre na harapin ang hamon ng kinabukasan.

    Kabilang dito ay ang pagpapalaganap ng kanilang kalinangan, pagbibigay proteksyon sa kanilang lupaing ninuno at pakikihalubilo sa mga Tagalog o mga taga kapatagan.

    “Mas nakahanda kami ngayon, mas malawak na ang nararating ng aming kaisipan. Pwede kaming lumapit sa kapitolyo, sa DENR (Department of Environment and Natural Resources Office), o kaya ay sa Watershed (National Power Corporation). Dati hindi namin alam kung paano lalapit sa kanila,” ani dela Rosa.

    Ang kahandaang ipinagmamalaki ni Dela Rosa ay bunga ng edukasyong hatid ng mga gurong misyonero na itinalaga ng Department of Education (DepEd) sa ibat-ibang pamayanan ng mga katutubo sa kabundukan ng Bulacan mula noong 1998.

    Para sa kanya, ang edukasyong hatid ng mga gurong misyonero ay nagbigay sa kanila ng tiwala at paniniwala sa sarili.

    Ito ay sa kabila ng mahabang panahong pag-iwas ng mga katutubo sa mga Bulakenyong nakatira sa kapatagan.

    “Dati kapag nakatanaw kami ng Tagalog umaalis na kami, nahihiya, at natatakot; iyan ang turo ng matatanda namin pag may Tagalog , umalis  at huwag maghalubilo,” ani Dela Rosa.

    Ngunit ang pananaw na ito ay nagbago dahil sa pagpapatuloy ng programa sa edukasyon sa mga katutubo na naghatid sa kanila ng lakas ng loob matapos mabuksan ang isipan.

    “Dati ay hindi kami marunong makipagharap, katulad ko, hiyang-hiya ako kapag ganitong may kaharap na tulad ninyo, hindi ko malaman kung paano sasagot,” ani Dela Rosa.

    Ang kalagayang ito ay pinatunayan ni Dela Rosa sa panayam ng mamamahayag na ito kung saan ay masasalamin sa kanya ang tiwala sa sarili.

    Ngunit hindi naging madali kay Dela Rosa ang pagsisimula ng pag-aaral.
    Ikunuwento niya ang kanyang karanasan noong siya ay unang mag-aral sa tulong ni Arlene Lazaro, isa sa mga guro sa mga Dumagat.

    “Nahirapan ako nung nag-uumpisa, Lalo na nung pinapabasa kami at nagdadasal sa hapon, hiyang hiya kami. Hindi kami makaharap sa kanila, pero ngayon, nasanay na kami,” ani Dela Rosa.

    Inamin naman ni Zosimo “Tata Simo” Torres, 70, na malaki ang epekto ng kawalan ng edukasyon ng mga katutubo.

    Ipinagtapat niya na hanggang ikalawang baitang lamang sa elementarya ang kanyang natapos.
    Natuto siyang bumasa at sumulat, ngunit sa kanyang pananaw, ay hindi iyon naging sapat upang magkaroon siya ng tiwala sa sarili katulad ng ikinuwento to Dela Rosa.

    Katulad ni Dela Rosa, malaki rin ang pagpapahalaga ni Tata Simo sa edukasyon ay umaasa siya na higit na magiging matatag ang kanilang mga pamayanan sa pamamagitan nito.

    “Mas marami ngayon sa aming mga bata ang marurunong, kasi nag-aral sila, kami noon ay wala halos nakapag-aral,” ani Tata Simo.

    Iginiit pa niya na nararapat lamang na samantalahin ng mga kabataan ang pag-aaral ngayon.

    Inayunan ito ni Dela Rosa lalo pa ngayong nagbibigay ng libreng edukasyon ang gobyerno.

    “Mas maganda makapag-aral ang mga kabataan para hindi man kami makapagpatuloy ng pag-aaral dahil nagkakaedad na kami, baka sila ay makatapos ng pag-aaral, lalo ngayon na tumutulong gobyerno, sinasagot ang pag-aaral namin,” ani Dela Rosa.

    Pinawi rin niya ang pangamba ng ilang katutubo sa pagsasabing “mas makakadagdag sa kultura naming katutubo” ang pagkakaroon ng edukasyon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here