Ipinagmamalaki ng mga Bulakenyo ang masarap na longganisang Calumpit na pinalalasa ng sangkap na bawang.
Ngunit dahil sa bawang, tumaas din ang presyo nito. KUHA NI DINO BALABO
CALUMPIT, Bulacan—Dahil sa bawang, masarap ang longganisang gawa a bayang ito. Ngunit dahil din sa bawang, biglang tumaas ang presyo ng sinasabing pinakamasarap at malasang longganisa sa Gitnang Luzon.
Ayon kay Linda Garcia, isa sa mga beteranang manggagawa at tindera ng longganisa sa pamilihang bayan ng Calumpit, ang benta nila ng longganisa ngayon ay umaabot na sa P210 bawat kilo.
Ito ay ang special longganisa na kakaunti ang taba ngunit maraming bawang na dati ay ibinibenta lamang sa pagitan ng P190 at P200 bawat kilo.
Ang regular na longganisa naman ay tumaas ang presyo sa P200 bawat kilo mula sa dating P180. Ang pagtaas ng presyo ay nagmula halos isang buwan ng nakakaraan.
Ito, ayon kay Garcia, ay bunga ng pagtaas ng presyo ng bawang, isa sa mga pangunahing sangkap na nagpapasarap ng kanilang ipinagmamalaking “longganisang Calumpit.”
“Dati ay P40 per kilo lang ang bili namin sa bawang, ngayon ay sobrang taas na, kaya napilitan na rin kaming itaas ang presyo ng longganisa namin,” aniya. Sa kabila naman ng pagtaas presyo ng kanilang tindang longganisa, sinabi ni Garcia na patuloy pa rin ang kanilang mga suki sa pagbili nito.
“Yung mga suki namin ay nagulat din sa taas ng presyo, pero naiiintindihan naman nila dahil sa presyo ng bawang, pero yung iba ay nabawasan ang binibili,” sabi ng beteranang tindera.
Si Garcia ay nagsimulang gumawa at magtinda ng longganisa noong 1995 matapos turuan ng kanyang biyenan noong 1985. Sa kanyang mahabang panahon ng paggawa at pagtitinda,natuklasan niya na bawang ang isa sa pangunahing sikreto ng pagiging masarap nito.
Dahil dito, natuklasan niya ang paggamit ng dalawang klase ng bawang—una ay ang ani mula sa ibang lalawigan ng bansa, at ang bawang inaangkat sa Taiwan.
“Yung bawang na Tagalog ay mas mura ngayon, pero yung galing ng Taiwan na dating mura ay napakamahal na,” ani Garcia. Inayunan din ito ng iba pang tindera palengke ng bayang ito.
Dahil dito, nanawagan sila sa gobyerno na sikaping mapabababa ang presyo ng bawang nang sa gayon ay muling bumaba ang presyo ng kanilang longganisa.