MALOLOS CITY—Inaresto at kinasuhan noong Lunes ng pulisya ng lungsod na ito ang isang 16-anyos na binatilyong pinaghihinalaang responsable sa pagpatay sa isang 12-anyos.
Ang mga pangalan ng suspek at biktima na kapwa residente ng Barangay Santisima Trinidad sa lungsod na ito ay pansamantalang itinago ng pulisya dahil sila ay kapwa menor de edad. Hindi rin inihayag ng pulisya ang motibo sa pagpaslang, ngunit ilang source ang nagsabing ito ay may kaugnayan sa paglalaro ng video games.
Sa isang live interview ng Radyo Bulacan kahapon kay Supt. David Poklay, hepe ng pulisya ng Malolos, sinabi niya na ang suspek ay kinasuhan sa Malolos City prosecutor’s office noong Lunes ng hapon ngunit hindi rin niya inihayag ang kasong isinampa.
Ito ay matapos maaresto ang suspek noong Lunes ng umaga. Ayon kay Poklay, ang 16 anyos na suspek ay nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang pag-aresto at pagsasampa ng kaso laban sa suspek ay may kaugnayan sa pagpaslang sa isang 12-anyos na binatilyo noong Linggo ng gabi sa Barangay Santisima Trinidad. Ang bangkay ng biktima
ay natagpuan noong Lunes ng umaga sa isang bakanteng lote. Ayon kay Poklay, ang biktima ay pinagsasaksak at nakarekober ang pulisya ng isang kutsilyo di kalayuan sa bangkay ng biktima.
Ang insidente ay ikinagulat ng marami sa lungsod na ito dahil sa ang suspek at biktima ay kapwa menor de edad.
Dahil dito, ipinayo ni Poklay sa mga magulang na gabayan at bantayang mabuti ang kanilang mga anak upang malayo sa karahasan at iba pang ilegal na gawain.