Home Headlines Dagsa ng tao sa sementeryo tuloy

Dagsa ng tao sa sementeryo tuloy

819
0
SHARE
Umaagapay si Fr. Roderick Miranda, IFI Samal parish priest, sa mga bumibisita sa sementeryo. Kuha ni Ernie Esconde

SAMAL, Bataan — Umaga pa lamang ng Undas ngayong Martes ay patuloy nang nagdadatingan sa mga sementeryo sa Bataan ang mga tao upang dumalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Sa Iglesia Filipina Independiente Cemetery sa Barangay Sta. Lucia sa bayan ng Samal ay dating at dating ang mga mag-aanak na may bitbit na bulaklak at pagkain. 

Marami nang mag-aanak ang nakabantay sa mga puntod at nagsisindi ng kandila. Patuloy naman ang mga dumadalaw sa pagbabayad ng annual dues na sinisingil ng simbahan para sa mga loteng kinatitirikan ng mga puntod.

Pulo-pulo na lamang ang kaunting tubig sa ilang daanan sa pagitan ng mga nitso na dulot ng malakas na ulan noong Lunes. Pinangunahan ni Fr. Roderick Miranda, IFI Samal parish priest, sa tulong ng mga kasapi ng Samahan ng mga Apostoles at volunteers na agad malimas ang tubig upang hindi mahirapan ang mga dumadalaw.

Nitong Martes ay sumisikat na ang araw bagama’t may sumisingit pa ring paminsan-minsang mahinang pag-ulan. May mga kasapi ng Samahan ng Apostoles na gumaganap kapag Mahal na Araw ang patuloy pa rin sa paglilimas ng natitirang tubig sa mga daanan. 

Sa harap ng sementeryo ay nakahanay ang mga pansamantalang tindahan na gawa sa buho na nagtitinda ng sari-saring pagkain at inumin. 

Nakabantay naman ang mga kasapi ng Samal police at Bureau of Fire Protection kasama ang mga barangay tanod sa pagpapanatili ng katahimikan sa sementeryo at maayos na daloy ng mga sasakyan. 

Nag-aalok naman ng libreng pandesal, juice at kendi ang mga kasapi ng Tau Gama para sa kanilang “Oplan Kaluluwa.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here