Dagok sa Bulakenyo ang pamamayagpag ng mga sindikato

    709
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Isang dagok sa Bulacan at mamamayan, ekonomiya at turismo ang pamamayagpag ng mga grupong kriminal dahil sinisira nito ang imahe ng lalawigan, ayon sa mga opisyal at negosyanteng Bulakenyo.

    Bukod dito, inilantad ng mga grupong kriminal katulad ng kilabot na Dominguez Carjack Group ang kahinaan ng gobyerno, kabilang dito ang pulisya, hudikatura at pamahalaang lokal na nangako ng isang payapang pamayanan sa nagdaang kampanya sa halalan.

    Kaugnay nito, kinasuhan na ang 26-anyos na Raymond Dominguez matapos na sumuko sa pulisya ng Bulacan noong Sabado, Enero 22, samantalang sinibak sa tungkulin bilang direktor ng pulisya sa lalawigan si Senior Supt. Fernando Villanueva na pinalitan ni Senior Supt. Wendy Rosario, ang dating deputy regional director for police operations sa Gitnang Luzon.

    Habang patuloy namang umaasa ang pamilya ng pinaslang na kasapi ng Baywalk Bodies na si Rejoice Rivera na magkakaroon ng mabilisang katarungan ang kanyang pagkamatay.

    Isang pamilya naman ang inagawan ng sasakayan sa Hagonoy, at isa pa sa bayan ng Angat kung saan ay napatay ang driver nito sa palitan ng putok sa pagitan ng pulis at mga criminal sa bayan ng Sta. Ana, Pampanga.

    Ayon sa mga Bulakenyo, apektado na ang ekonomiya at turismo sa Bulacan dahil sa halos araw-araw ay nababalita sa mga radyo, telebisyon at mga pahayagan ang mga insidente ng karahasan at paglabag sa batas sa lalawigan.

    Ang mga nasabing insidente ay naghatid ng pagkabahala sa mga negosyante sa lalawigan dahil sa kanilang pananaw ay hindi sila ligtas, ani Rhine Aldana, ang direktor ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Bulacan.

    “Based on feedback from some businessmen in Bulacan, malaki effect sa kanila because they don’t feel safe. Ang pulis na dapat sila ang mangalaga sa kaayusan at katahimikan, sila pa ang itinuturo na kasabwat sa lahat ng krimen,” ani Aldana.

    Idinagdag pa niya na “parang ayaw na nilang (negosyante) lumaki (ang negosyo nila) at yumaman kasi baka sila ay maholdap o ma-carnap or worst, patayin.

    “Naging paranoid na ang iba, feeling nila ay may sumusunod sa kanila lalo pag maganda ang sasakyang dala. They are starting to lose faith sa PNoy government dahil sunod-sunod ang mga karumal dumal na krimen,” ani Aldana.

    Inayunan naman ito nina Mara Bautista ng Malolos, Vicky Bartilet ng Plaridel, Nemie Sabino ng Hagonoy, at Alex Balagtas ng Bulakan.

    Ayon kay Bautista na siyang executive director ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI), ang mga napabalitang karahasan at pamamayagpag ng grupong kriminal sa Bulacan ay maghahatid ng masamang impresyon sa imahe ng lalawigan.

    “Magbibigay ito ng hindi magandang impression—haven of lawless elements. Takbuhan ng mga nagtatago sa batas,” ani Bautista.

    Para naman sa solo parent na si Bartilet, “I’m wary and weary knowing we have this kind of people in our province. Sino naman ang magkakagusto at pipili sa lugar na haven for lawless men. The economy will suffer when business pull out and shy away from insecure place.”

    Ipinaliwanag naman ni Sabino na ang pagiging Bulakenyo ni Dominguez na sangkot sa carnapping ay tuwirang magpapahina sa turismo sa lalawigan.

    Iginiit niya na “dahil sa takot, baka akalain ng mga taga ibang bayan na ganyan lahat ng Bulakenyo. Sa puntong ito, damay ang ekonomiya; pangalawa baka pati investors na gustong  magnegosyo mawalan ng gana;  at yung andito na baka lumipat pa ng  ibang lugar. Dagok ito sa ating pangkabuhayan.”

    Bukod naman sa ekomoniya at turismo, sinabi ni Balagtas na nakakaapekto sa imahe ng mga Bulakenyo ang pamamayagpag ng mga grupong kriminal.

     “Definitely negative ang dating nito sa atin. Nakakalungkot ito dahil sa nakakasama sa imahe ng ating lalawigan. Wala na tayong magagawa, nandiyan na yan, sana na lang ay maresolba agad ang kasong ito,” ani Balagtas.

    Para naman kay Ronald Pulumbarit ng Malolos, nananatili naman daw ligtas sa kabuuan ang bansa, ngunit kailangang mas paigtingin ng pulisya ang kampanya laban sa kriminalidad.

    Nagpahayag naman ang publisher ng pahayagang Luzon Times na si Joey Munsayac na hindi raw masyadong apektado ang ekonomiya sa pamamayagpag ng mga grupong kriminal, sa halip ay nagpahayag siya ng pangamba sa dulot nito sa imahe ng mga Bulakenyo.

    “Actually, not much about economy but more on the image of the Bulakenyos from noble heroes to carnappers. Yes tourism is affected,” ani Munsayac.

    Samantala, ilang Bulakenyo ang humiling na ipabanggit ang pagkakakilanlan ang nagsabing inilantad ng Dominguez Carjack Group ang kahinaan ng gobyerno partikular na ang pulisya, hudikatura at ang pamahalaang lokal.

    Ayon sa kanila, kung hindi sumuko si Raymond Dominguez noong Nobyembre at nitong Sabado ay hindi makikita ito ng pulisya.

    Ipinagtaka naman ng mga source ng kung bakit nakapag-file ng piyansa si Dominguez samantalang mahigit sa 30 kaso ang hinaharap nito sa husgado.

    Bukod dito, pinuntusan din nila ang pangakong payapang Bulacan ni Gob. Wilhelmino Alvarado.

    Matatandaan ay ilang beses sinabi ni Alvarado sa publiko ang kanyang programa para sa kaayusan at kapayapaan ng lalawigan na bahagi ng kanyang pitong puntong programa.

    Ito ay ilang beses ding ipinagmalaki ni Alvarado kung saan ay sinabi niya na ang mabuting pamamahala o good governance ay susi sa kaunlaran at layunin niya ay makapagbigay ng good business environment sa Bulacan upang higit na makahikayat ng mga mamumuhunan at mga negosyanteng magbibigay ng trabaho sa mga Bulakenyo.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here