Ito ang pagbabagong sumalubong sa libo-libong motorista na tumahak sa tatlong expressways na halos may habang 200-kilometro sa mga lalawigan sa hilaga ng Kalakhang Maynila simula madaling araw ng Enero 1.
Kabilang dito ay ang 85-kilometrong North Luzon Expressway (NLEX), 94.5 kilometrong Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), at 8.5 kilometrong Subic Freeport Expressway (SFEX).
Ito ay dahil sa pagpapatupad ng Manila North Tollways Corporation (MNTC) ng bagong toll rates, ang kanilang unang pagtataas simula noong Pebrero 2005 kung kailan napasakamay ng MNTC ang pamamahala sa NLEX.
ng kumpanya na Traffic Management Corporation (TMC), ang bagong toll rate ay di masasabing tumaas.
“Mababa lang yung nadagdag na toll fee. In fact, mas mababa yung bagong toll rate namin ngayon kumpara doon sa opening rate namin six years ago,” ani Marlene Ochoa, ang vice president for Corporate Communications ng MNTC.
Inayunan din ito ni Benigno Valles, ang senior manager for corporate communications ng TMC, na katulad ng MNTC ay bahagi ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC).
Batay sa tala ng MNTC at TMC, ang toll fee na kanilang siningil sa motorista ay P41 simula 12:01 ng madaling araw noong Enero 1 para sa mga class 1 vehicles sa kanilang open system.
Ang open system ng NLEX ay mula Balintawak hanggang Bocaue Interchange.
Ito ay mas mababa pa ng piso sa P42 na kanilang siningil sa mga katulad na sasakyan sa kanilang open system ng mapasakamay ng MNTC ang pamamahala sa NLEX noong Pebrero 10, 2005.
Ayon kina Ochoa at Valles, mas mababa rin ang P2.38 na kanilang singil ngayon sa bawat kilometro paglampas ng Bocaue Interchange, kumpara sa P2.48 noong 2005.
Gayunpaman, ang bagong toll rate ay ang kauna-unahang pagtataas ng singil sa toll fee sa NLEX simula noong 2005.
Ito ay dahil sa noong 2007 at 2008 ay bumaba ang singil sa toll fee ng NLEX.
Ayon kay Valles, toll adjustment ang tawag nila sa pagbabago ng toll fee noong 2007 at 2008 dahil sa halip na tumaas ang kanilang singil ay bumaba pa.
Batay sa tala ng MNTC at TMC, ang toll fee sa NLEX ay bumaba ng P2.20 bawat kilometro noong 2007, at higit pang bumaba noong Hulyo 2008 ng ipatupad ang bawas singil sa toll fee na P2.13.
Kaugnay nito, ipinaliwanag nina Ochoa at Valles na ang dagdag singil sa toll fee na kanilang makukulekta ay magagamit sa dagdag na pagpapaunlad sa serbisyo ng NLEX.
Ipinagmalaki nila na mula ng mapasakamay ng MNTC ang NLEX ay maraming pagbabagong pangkaunlaran ang naisagawa sa 85 kilometrong kahabaan nito.
Kabilang dito ay ang malinis na kalsada o kawalan ng mga bako-bakong potholes, at pagtatayo ng 60 closed circuit television camera sa kahabaan ng expressway na nagbigay kakayahan sa TMC na mabantayan ang daloy ng trapiko sa loob ng 24 na oras.