LUNGSOD NG CABANATUAN – Opisyal nang inilarga nitong Linggo ang mga sundalo ng Philippine Army na magsisilbi bilang karagdagang puwersa sa Nueva Ecija Police Provincial Office para sa nalalapit na national and local elections.
Pinangunahan nina Nueva Ecija police director Col. Ferdinand Germino at Lt. Col. Joseph Cayton, commander ng 70th Infantry Battalion, 7th Infantry Division, ang send-off ceremony sa NEPPO headquarters sa lungsod na ito.
Opisyal na isinalin ni Cayton sa NEPPO ang pangangasiwa sa pitong squad na kinapapalooban ng 66 na sundalo mula sa naturang batalyon.
Ayon kay Germino, ang mga sundalong ito, kasama ang mga pulis, ay nakalaan para sa mabilis na pagtugon sa anumang pangangailangan kaugnay ng halalan sa Lunes, May 12.
“We have completed the preparation phase and are now entering the execution phase”, ani Germino.
“It’s time to put our plans into action to ensure peaceful and orderly elections. There are only seven days left, but this is the most critical period – we must give our all,” dagdag ng opisyal.
Pinaalalahanan ni Germimo ang mga sundalo na panatilihin ang pagiging patas na walang kinikilingan at ang mataas na pamantayan ng propesyunalismo sa kanilang pagganap ng tungkulin.