LUNGSOD NG MALOLOS—Magdadagdag ng apat na duktor sa Bulacan Medical Center (BMC) upang higit na mapabilis at mapalawak ang serbisyo ng pagamutan.
Kaugnay nito, iginiit ni Gob. Wilhelmino Alvarado na higit nilang palalawakin ang serbisyo ng Philhelath na inilarawan niya na “tugon sa problemang pangkalusugan.”
Ito ang solusyong inihain ni Alvarado kaugnay ng mga reklamong natanggap na kinabibilangan ng mahabang pila sa pagamutan at pagkukulang sa mga gamot.
“Initially, magdadagdag muna tayo ng dalawang duktor para mapabilis ang pagtingin sa mga pasyente lalo na sa OPD,” sabi ni Alvarado patungkol sa outpatient department ng BMC.
Dalawa pang duktor ang idadagdag kapag naihanda na ng Kapitolyo ang pondo para sa sweldo ng mga ito.
“Hindi kasi ganoon kadali ang pagkuha ng duktor, kailangan ay may item sila saka nakahanda ang pang-pasweldo,” sabi ng gobernador sa panayam noong Sabado sa BMC kaugnay ng kanyang inspeksyon.
Batay sa ulat ni Dr. Protacio Badjao, direktor ng BMC, dapat ay 14 ang duktor sa panglalawigang pagamutan ngunit sa kasalukuyan ay 10 lamang.
“Bilang isang tertiary hospital dapat ay 14 ang duktor natin,” ani Alvarado.
Ipinaliwanag niya na ang mga duktor ay kinausap na niya upang mas agahan ang pasok at hindi maipon at maghintay ng matagalan ang mga pasyente.
“Dati ay alas-8 nandito na sila, pero ngayon ay pinaagahan natin ang pagpasok nila,”sabi ng gobernador.
Tiniyak na mas mapapabilis ang pagtingin sa pasyente kapag nadagdag ang bilang ng mga duktor, dahil pagkatapos mag-ikot ng mga ito sa mga ward ay maaari nang harapin ng iba ang pasyente sa OPD.
“Usually, nagra-round sila sa mga ward pagdating ng alas-8, tapos ay magre-report sa direktor simula alas-10 kaya akala ng iba ay late ang mga duktor,pero maaga silang pumapasok,’ ani Alvarado.
Binanggiit pa niya na patuloy din ang pagtaas ng bilang ng mga pasyente sa BMC.
“Ang capacity natin ay 300 pero kung minsan ay umaabot sa 550 ang pasyente bawat araw,” sabi ng gobernador.
Ipinaliwanag niya na ang pagtaas ng bilang ng pasyente ay dahil sa pagtitiwala ng mga Bulakenyo sa serbisyo ng BMCna nasa ilalim ng pamamahalang kapitolyo.
Hinggil naman sa mga reklamo na kinakapos ang gamot sa BMC, sinabi ni Alvarado na ito ay isa sa bunga ng pagtaas ng bilang ng mga pasyente.
Bukod dito, maraming pasyente ang hindi nagbabayad dahil sinasagot ng gobyerno ang pambayad sa pagpapagamot.
“Mas palalawakin natin ang services ng PhilHealth dahil ang Philhealth ang tugon sa problema.
Ipinaliwanag niya binabayaran ng PhilHealth ang serbisyong medikal sa mga kasapi nito.
“Maikukumpara natin sa isang tindahan ang ospital pag marami ang kumukuha ng paninda, babagsak ang tindahan. Ganoon din sa ospital, kailangan ay may PhilHealth para yung services at mga gamot ay nababayaran,” ani Alvarado,.
Sa kasalukuyan, halos kalahati ng mahigit 600,000 pamilya sa Bulacan ang mayroong PhilHealth.
Ito ay dahil sa namahagi ng 150,000 PhilHealth Cards ang Kapitolyo noong nakaraang taon, kung saan ay 70,000 ang nagmula sa Malakanyang.
Gayunpanan, ipinagbilin ni Alvarado na dapat maging responsable ang mga kasapi ng PhilHealth.
Ipinaalala niya na ang pagiging kasapi ay natatapos sa loob ng isang taon at kailangang mai-renew ang membership.
“Mahirap na matapat ang pagkakasakit mo sa panahon na nagre-renew ka pa, Mainam na yung protektado,” sabi ng punong lalawigan at muling iginit na :PhilHealth ang solusyon.”