LUNGSOD NG MALOLOS — Karagdagang 200 hospital beds ang inilaan ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan para sa mga Covid-19 cases bilang bahagi ng kahandaan para sa pagtaas ng kapasidad sa health facility.
Ang mga naturang hospital beds ay ilalagak sa Bulacan Medical Center (BMC) at Bulacan Infection Control Center at ilalaan para sa mga moderate hanggang critical Covid-19 suspect at positive patients.
Simula sa Abril 30, magsisilbi ring Covid-19 referral facility para sa moderate hanggang critical cases ang dalawang nasabing pasilidad.
Ipinaliwanag ni Gov. Daniel Fernando na ang BMC ay hindi na tatanggap ng non-Covid transfer patients mula sa mga district hospital at admission sa non-Covid patients.
Tanging outpatients lamang ang tutugunan sa emergency room nito upang bigyan ng first aid at laboratory tests at kagyat na ililipat sa ibang district hospital kung kinakailangan i-confine.
Maging ang Local Governance Building na nauna nang ginamit bilang quarantine facility ay ina-upgrade na ateklusibong gagamitin ng mga frontline health workers habang magiging shelter for recovering patients ang Bulacan State University.
Itinatayo din ang P16-million Bulacan Community Mega Quarantine Facility sa Bulacan Sports Complex na kayang maglulan ng 60 indibidwal. — Vinson F. Concepcion/PIA–3