Nagpamahagi ng tig-isang bag ng hybrid rice seeds at dalawang bag ng fertilizer ang Department of Agriculture sa limang magsasaka bilang pagbibigay parangal ngayong Buwan ng Magsasaka at Mangingisda. (Department of Agriculture Central Luzon)
LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Namahagi ang Department of Agriculture o DA ng hybrid rice seeds at fertilizers sa mga magsasaka sa Gitnang Luzon.
Kaugnay ito ng pagdiriwang ng Buwan ng Magsasaka at Mangingisda ngayong Mayo.
Ayon kay Regional Technical Director For Operation and Extension Eduardo Lapuz Jr., ito ay mandato ng kagawaran upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na mapataas ang kanilang ani at kita.
Pagbibigay diin niya, ang sektor ng agrikultura ang pinakaunang bumabangon sa kabila ng iba’t-ibang kalamidad at pagsubok na dumarating.
Limang magsasaka ang tumanggap ng tig-isang bag ng hybrid rice seeds at dalawang bag ng fertilizer.
Bilang kinatawan ng Regional Agriculture and Fishery Council at Farmer-Director ngayon taon, nagpasalamat si Francisco Hernandez sa pagkilala sa mga magsasaka at mangingisda na nagpapagal upang makapaghatid ng pagkain sa hapag.
Aniya isang pribilehiyo at magandang pagkakataon na parangalan ang mga magsasaka sa kanilang mga ginagawa.
Nakatuon sa inobasyon ang tema ngayong taon na “Modernisasyon at Industriyalisasyon tungo sa masaganang ani at mataas na kita.” (CLJD/GLSB-PIA 3)