Sinusubukan ni Gov. Albert Garcia ang isang traktora. Kuha ni Ernie Esconde
DINALUPIHAN, Bataan — Namahagi ang Department of Agriculture ng mga makabagong makinarya sa pagsasaka dito Biyernes ng hapon.
Personal na tinanggap ni Gov. Albert Garcia at Dinalupihan Mayor Maria Angela Garcia ang 12 makinarya na tinatayang ilang milyong piso ang halaga.
Ayon kay Mayor Garcia, mula sa initiatibo ni Senator Cynthia Villar ang paglalaan ng pondo sa mga makinarya.
Ang mga makinarya ay galing sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization ng Department of Agriculture.
Ito ay para sa mga magsasaka na ipinadaan sa provincial agriculture office upang mapadali at mapaayos ang kanilang sistema ng pagsasaka.
“Ipinagkaloob ang mga makinarya sa mga kwalipikadong farmers association na bukod sa malaki ang maitutulong upang tumaas ang produksyon at ani ng mga magsasaka ay mas magpapagaan din angkanilang trabaho,” sabi ng gubernador.
Matatandaan na namigay din ang DA ng mga makabagong makinarya sa bayan ng Orani at inaasahanna ang iba pa sa 11 bayan at isang lungsod sa Bataan ay mabibiyayaan din ng mga modernong makinarya.
“Asahan ninyo ang patuloy na suporta ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang mga ahensya ng pamahalaan para sa ibayong pag-angat ng agrikultura sa ating lalawigan,” sabi ni Governor Garcia.