Nakalapag sa lamesa ang mga bibingkang regalo ng LIPAD Corp. sa mga balik-bayan na OFW. Kuha ni Rommel Ramos
CLARK INTERNATIONAL AIRPORT — Bilang pamaskong handog at pasasalamat sa mga kababayan nating mga overseas Filipino workers na nagbabalik bansa sa gitna ng pandemya, nireregaluhan sila ng mga bibingka sa kanilang paglapag sa paliparang ito.
Sa arrival area noong unang araw ng Simbang Gabi iniaabot ng mga kawani ng LIPAD Corp. sa mga OFW ang mga regalong bibingka kasabay ng tugtugin ng mga awiting pamasko.
Ayon kay Terri Flores, tagapagsalita ng LIPAD Corp., namigay sila ng mga bibingka na Pinoy delicacies upang paglapag pa lamang ng mga balikbayan ay ramdam na agad ng mga ito ang simoy ng kapaskuhan.
Batid daw kasi nila na pahirapan sa mga OFWs na makakauwi ng bansa dahil sa nararanasang pandemya.
Samantala, ang mga balikbayan ay kailangan munang sumasailalim sa Covid-19 RT- PCR test at mananatili sa piling mga hotel sa loob ng Clark habang hinihintay pa ang resulta ng mga ito ng dalawa hanggang tatlong araw.
Kapag nagnegatibo sa swab test ay saka pa lang makakauwi ang mga OFWs sa kanya-kanyang mga probinsya at kung may magpopositibo naman ay ia-isolate o ire–refer sa mga designated Covid-19 hospitals.