Si Bi Yong Chungunco, CEO ng LIPAD Corp., sa isinagawang departure live trial ng Cebu Pacific nitong Martes ng umaga. Kuha ni Rommel Ramos
CLARK FREEPORT — Nagsagawa ngayong Martes ng domestic departure live trial ang Luzon International Premiere Airport Development Corp. sa Clark International Airport New Terminal Building.
Ang Cebu Pacific A320 airbus trial departure na may lulan na 144 pasahero ay lumipad patungong Cebu ganap na 10:15 ng umaga.
Ayon kay Andrew Tan ng Changi Airport International at CRK consultant, naging maayos ang departure trial ngayong araw.
Naranasan ng mga pasahero sa trial flights na ito sa Clark ang contactless features gaya ng common-use self-service kiosks (CUSS), automated bag drop at ang automatic tray retrieval system.
Ayon naman kay LIPAD Corp. chief executive officer Bi Yong Chungunco, ang domestic live trial ay bahagi ng proseso para makakuha ng certification mula sa Changi Airport International at permit to operate mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines.
Matapos ang departure trial ngayong araw ay bukas naman gagawin ang arrival trial mula din sa Cebu.
Idinagdag ni Chungunco na gagawin naman sa Pebrero 2022 ang international departure at arrival live trial na bahagi din ng proseso para sa certification at permit to operate.
Sa sandaling magsimula na ang operasyon ng new terminal na ito ay tinatayang aakyat na sa 12 milyong pasahero ang kayang i-accommodate ng CRK sa loob ng isang taon.