OLONGAPO CITY — Isa pang kaso ng Covid-19 ang naitala ngayong Martes, na nagtaas sa 35 ang kabuuang bilang ng mga nagkasakit sa lungsod na ito na ang 17 ay active pa.
Ito ang kinumpirma ni city inter-agency task force chairman Mayor Rolen Paulino, Jr., na nagsabing ang pasyente ay isang 28–anyos na lalaki at ito ay walang travel history.
Ayon sa ulat ng task force, ang pasyente ay nag-report sa kanilang company doctor makaraan itong sipunin, makaranas ng pag-ubo at lagnat noong July 30, at pinayuhan itong mag-home quarantine.
Noong August 3 ay sumailalim ito sa RT-PCR test at ang resulta ngayong Martes ay positibo sa Covid-19. Ang pasyente ay naka-admit na sa hospital sa lungsod.
Ang asawa ng pasyente ay sasailalim din sa RT-PCR testing.
Ang city health office ay nagsagawa na ng contact tracing at pinayuhan ang mga nakasalamuha nito na sumailalim sa 14–day home quarantine at imo–monitor ang kalagayan nila.