IBA, Zambales – Isang kaso ng Covid-19 ang naitala kahapon, Hulyo 13, na nag-akyat sa kabuuang 35 ang mga kaso ng sakit sa lalawigan.
Batay sa ipinalabas na ulat ni provincial health officer Dr. Noel Bueno, ang pasyente ay isang 50–anyos na lalaki mula sa bayan ng Palauig.
Ayon pa sa ulat, ang pasyente ay nagtungo sa Maynila noong Hulyo 9 para sa kanyang physical at medical examination. Bagamat walang sintomas, siya ay kinuhanan ng specimen upang suriin.
Sa resulta ng kanyang pagsusuri na inilabas ng Detoxicare Molecular Diagnostic Laboratory noong Hulyo 11, nakitang positibo siya sa Covid-19.
Ang pasyente ay nasa pangangalaga na ng President Ramon Magsaysay Memorial Hospital dito sa Iba.
Samantala, nagnegatibo na sa Covid-19 ang isang 78–taong–gulang na babae mula sa bayan ng Subic na nauna nang naitala bilang pang–34 na pasyente noong Hulyo 9.