IBA, Zambales — Umakyat na sa 34 ang nagpositibo sa Covid-19 sa lalawigan ng Zambales matapos na maitala nitong Huwebes ang panibagong kaso sa bayan ng Subic.
Kinumpirma ni Subic Mayor Jonathan Khonghun, chairman ng local task force sa Covid-19, na iang 78-anyos na babae mula sa Barangay Mangan Vaca ng kanyang bayan ang pinakabagong kaso ng sakit.
Sa kabuuang 34 na kaso sa lalawigan, tatlo ang active, 30 ang nakarekober na, at isa ang nasawi.
Ang pinakabahgong pasyente ay nasa President Ramon Magsaysay Memorial Hospita habang nagsasagawa ng disinfection at contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasyente. Inilagay na rin sa lockdown ang Purok 1 ng Barangay Mangan Vaca.
Payo ni Mayor Khonghun sa kanyang mga nasasakupan: “Mag–iingat po tayong lahat, palagi po tayong maghugas ng kamay at kung wala naman mahalagang lakad, manatili na lang sa bahay at palaging magsuot ng face mask. Responsibilidad na po natin ang pag–iingat para sa ating pamilya, at bawat isa.”