Screenshot ng video ni Gov. Aurelio Umali nang una siyang magbigay ng mensahe mula sa pagamutan niyong Martes.
LUNGSOD NG CABANATUAN –– Sumipa na sa 427 ang aktibong kaso ng coronavirus disease sa Nueva Ecija batay sa datus hanggang nitong March 25, ayon sa provincial inter-agency task force.
Tinutukoy ang datus mula sa Department of Health-Nueva Ecija, iniulat ng NE–IATF ang pag-angat ng bilang mula sa 340 active cases nitong March 22.
Pinakamataas ang naitala sa ika-4 na distrito ng Nueva Ecija kung saan may 170 ang aktibong kaso.
Sinundan ito ng ika-3 distrito na may 124 na active cases, may 84 ang unang distrito, samantalang may 49 naman ang ikalawang distrito.
Nadagdagan ng dalawa ang gumaling mula sa virus kaya mula sa 2,002 ay umakyat sa 2,004 and recoveries sa lalawigan.
Iniulat pa rin ng NE–IATF na 120 ang nasawi sa Nueva Ecija simula nang mag-umpisa ang pandemya noong 2020 hanggang sa araw na ito.
Sa kanyang mensahe mula sa ospital kung saan siya naka-confine dahil sa Covid-19, muling pinaalalahanan ni Gov. Aurelio Umali, NE–IATF chair, ang publiko na sumunod sa mga pinaiiral na health protocols.
Ibinalita rin niya ang patuloy na pagbuti ng kanyang kondisyon kasabay ng paghahayag na ang Diyos ay nagsisilbi niyang lakas.