Bukas 24 oras ang Infection Control Center.
LUNGSOD NG MALOLOS — Binuksan na ang Infection Control Center ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na matatagpuan sa Bulacan Capitol Compound kung saan tatanggapin ang mga pasyente ng pinaghihinalaang may Covid-19.
Ang nasabing pagamutan ayon kay Gov. Daniel Fernando ay nakabukas ng 24-oras para sa mga kaso ng Covid-19. Ito ay may 100-bed capacity na airconditioned rooms.
Kabuuang 30 doctors at 54 nurses naman ang idedestino dito na may skeleton-staff schedules.
Ayon pa kay Fernando, bukod sa mga pasyente ay may mga inilaan din ditong mga kwarto para maging holding area ng mga frontliners.
Aniya, ang mga pasyenteng may katamtamang kaso, suspect, probable at may kumpirmadong kaso ng Covid-19 ay ilalagay sa ikatlong palapag; dagdag na 50 Covid-19 patients naman na may malubha at kritikal na kondisyon gayundin ang 10 kama para sa intensive care units at apat na dialysis machines sa ikalawang palapag.
Nasa unang palapag naman ang emergency room, triage, X-ray, at laboratory.