Home Headlines Covid-19 sa Bataan: Pang-16 na nasawi, 660 kumpirmadong kaso

Covid-19 sa Bataan: Pang-16 na nasawi, 660 kumpirmadong kaso

780
0
SHARE

LUNGSOD NG BALANGA — Umabot na sa 16 ang nasawi sa coronavirus disease sa Bataan matapos may maitalang isang bagong pumanaw, batay sa ulat ni Gov. Albert Garcia Linggo ng gabi.

Tumaas naman sa 660 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Covid-19 nang madagdag ang 20 bagong nagpositibo sa nakakatakot na virus.

Ayon sa report ng provincial health office, ang pang-16 na nasawi ay isang 74-anyos na lalaki mula sa bayan ng Hermosa.

Sa 20 bagong kumpirmadong kaso, lumabas sa contact tracing na ang 12 ay nagkaroon ng close contact sa mga nauna nang nagpositibo sa Covid19. Ang mga ito ay isa mula sa Hermosa, dalawa sa Balanga City, tatlo sa Samal, at anim mula sa Mariveles.

Kabilang sa 12 ang tatlong health worker – dalawang babae sa Mariveles, at isang lalaki sa Balanga City.

Dalawa sa mga bagong kaso ay mga in-patient sa isang ospital sa Balanga City na ang isa ay mula sa Dinalupihan at ang pangalawa ay mula sa Hermosa.

Ang iba pang kumpirmadong kaso ay isang babaing health worker sa Hermosa, dalawa sa Limay, at tatlo mula sa Mariveles.

Bahagyang umakyat ang bilang ng mga nakarekober sa 438 matapos may anim na bagong gumaling – dalawa mula sa Balanga City, isa sa Orion, at tatlo mula sa Mariveles.

Ang bilang ng mga aktibong kaso ay 206. Mula sa 11,405 na sumailalim sa Covid- 19 test, 10,610 ang nagnegatibo na at 135 ang naghihintay ng resulta.

Upang hindi na dumami ang kaso ng Covid-19, patuloy ang ating tagubilin na palaging maghugas ng kamay, manatili sa inyong mga tahanan at kung kinakailangang lumabas ng bahay ay umiwas sa mga mataong lugar, magsuot ng face mask at mag observe ng physical distancing na dalawang metro,” paalaala ng governor.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here