LUNGSOD NG BALANGA – Inihayag ni Gov. Albert Garcia Huwebes ng umaga na may siyam na bagong kaso ng coronavirus sa Bataan, kabilang ang isang musmos kaya umakyat sa 182 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng Covid-19.
Ayon sa governor, ang isa sa mga bagong positibo sa mapanganib na virus ay isang taong gulang na lalaki mula sa bayan ng Orani.
Ang pitong iba pa ay mula rin sa Orani at ang pangsiyam ay isang 32-anyos na overseas Filipino worker na taga-Balanga City.
Batay sa ulat ng provincial health office, ang mga kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa Orani bukod sa musmos ay 33-anyos na lalaki, 19-anyos na lalaki, 44-anyos na babae, 75-anyos na babae, 78-anyos na babae, 76-anyos na lalaki at 16-anyos na lalaki.
Napag-alaman na isinailalim sa total lockdown ang isang barangay sa Orani kung saan galing ang mga positibo sa Covid-19.
Nananatiling 153 ang bilang ng mga nakarekober at 10 ang pumanaw na sa virus sa Bataan.
Pumalo sa 19 ang aktibong kaso ng Covid-19 matapos madagdag ang bagong siyam na pasyente.
Sinabi ni Dr. Rosanna Buccahan, PHO chief, na 3,979 ang mga indibidual na sumailalim sa Covid-19 lab exam.
Sa bilang na ito, aniya, 3,548 ang nagnegatibo at 349 ang naghihintay ng resulta.