LUNGSOD NG BALANGA — Malugod na ibinalita ni Gov. Albert Garcia Lunes ng umaga na meron na namang gumaling sa nakakatakot na coronavirus disease sa Bataan at umakyat na ang bilang ng mga ito sa 120.
Batay sa report ng provincial health office Linggo ng gabi, 12 sa 13 bagong naka-rekober sa Covid–19 ay pawang mga health workers.
Ang mga bagong naka-rekober na health workers ay isang 46-anyos na lalaki at 30–anyos na babae mula sa Mariveles; 33–anyos na lalaki mula sa Dinalupihan; 21–anyos at 37-anyos na parehong lalaki mula sa Orion; at isang 27-anyos na lalaki ng Limay.
Sa Balanga City, ang mga bagong gumaling na health workers ay isang 33-anyos na lalaki, 28–anyos na babae, 27–anyos na lalaki, 31–anyos na babae, 28–anyosna babae, at 22–anyos na lalaki.
Isa pang naka-rekober ay babaing 67-anyos mula sa Dinalupihan.
Sinabi ng gubernador na nananatiling 147 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng Covid–19 at pito ang namayapa.
Sa kabuuang bilang na 2,515 na na-test, 399 ang naghihintay ng resulta, samantalang 1,969 ang nag negatibo, batay sa bagong PHO report.