Home Headlines Covid-19 sa Bataan: Bilang ng gumagaling mas dumarami

Covid-19 sa Bataan: Bilang ng gumagaling mas dumarami

603
0
SHARE

LUNGSOD NG BALANGA Ilang araw nang dumarami ang bilang ng mga bagong nakakarekober sa coronavirus disease sa Bataan kaysa mga narerehistrong bagong kumpirmadong kaso tulad sa huling ulat ng provincial health office.

Sinabi ni Gov. Albert Garcia Martes ng gabi na nagtala ang lalawigan ng 31 bagong gumaling kumpara sa anim na bagong nagpositibo sa virus.

Dahil sa bagong datos, umakyat sa 3,423 ang lahat ng nakarekober at umabot sa 3,623 ang mga kumpirmadong kaso.

Bumaba sa 126 ang mga aktibong kaso o mga hindi pa gumagaling. Ang bilang ng mga nasawi ay 78.

Ang mga bagong nakarekober ay siyam mula sa Balanga City, pito sa Dinalupihan, anim sa Limay, apat sa Morong, tatlo sa Samal, at tig-isa sa Orion at Mariveles.

Kabilang sa kanila ang limang bata: 2-anyos at 10-anyos na parehong babae mula sa Balanga City at 7-anyos na lalaki, 10-anyos na babae at 10-anyos na lalaki, lahat mula sa Dinalupihan.

Bagong nagpositibo naman ang tig-dalawa sa Balanga City at Mariveles at tig-isa sa Orani at Samal na kasama ang dalawang bata mula sa Balanga na 5-anyos na babae at 7-anyos na lalaki.

Mula sa 39,930 na sumailalim sa Covid19 tests, 35,953 na ang nagnegatibo habang 350 ang naghihintay ng resulta.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here