LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ni Gov. Albert Garcia Martes ng gabi na isang batang babae ang nakarekober sa coronavirus disease samantalang isang health worker naman ang kumpirmadong bagong kaso ng mapanganib na virus sa Bataan.
Ayon sa gubernador, ang bagong gumaling sa sakit ay babaeng 10 taong gulang mula sa lungsod na ito kaya umakyat sa 153 ang bilang ng mga nakarekober na.
Tumaas naman sa 173 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa Covid-19 matapos madagdag ang 39–anyos na health worker mula sa lungsod ding ito.
Ang aktibong kaso ng Covid-19 ay 10 at nananatiling 10 pa rin ang mga pumanaw na.
Sinabi ni Dr. Rosanna Buccahan, provincial health office chief, na may 3,896 na ang lahat ng sumailalim sa laboratory test sa Covid-19 sa Bataan kung saan 255 ang naghihintay ng resulta ng test samantalang 3,468 ang napatunayang negatibo na.
“Upang hindi na dumami ang kaso ng Covid-19 sa ating lalawigan, patuloy ang ating tagubilin na palaging maghugas ng kamay, manatili sa inyong mga tahanan at kung kinakailangang lumabas ng bahay ay umiwas sa mga mataong lugar, magsuot ng facemask at mag observe ng physical distancing na isang metro,” paalala ni Garcia.