LUNGSOD NG BALANGA — Isa na namang overseas Filipino worker ang bagong nagpositibo sa coronavirus disease kaya tumaas sa 185 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Covid–19 sa Bataan.
Nitong Sabado lamang ay dalawang OFW mula sa Bagac at Mariveles ang nakumpirmang positibo sa Covid–19.
Ayon kay Gov. Albert Garcia, batay sa ulat ngayong Linggo ng provincial health office, isang lalaking OFW na 50 taong gulang mula sa bayan ng Orani ang bagong nadagdag sa listahan ng mga pasyenteng may mapanganib na virus.
Dahil sa panibagong kaso, umakyat sa 21 ang bilang ng mga aktibong kaso o ang hindi pa gumagaling na mga pasyente sa Covid–19. Sa kabuuan, 154 ang bilang ng mga naka–recover habang 10 naman ang pumanaw na, sabi ni PHO chief Dr. Rosanna Buccahan.
Nasa 114 ang naghihintay, aniya, ng resulta ng laboratory exam; 3,878 ang nagnegatibo na, kabilang ang 111 bago. Mula noong ika-31 ng Enero hanggang sa kasalukuyan ay 4,177 na umano ang sumailalim sa Covid–19 test sa lalawigan.