Home Headlines Covid-19 sa Bataan: Aktibong kaso patuloy sa pagbaba

Covid-19 sa Bataan: Aktibong kaso patuloy sa pagbaba

608
0
SHARE

Gov. Albert Garcia sa isang pag-uulat. Kuha ni Ernie Esconde



LUNGSOD
NG BALANGA — Patuloy sa pagdami ang bilang ng mga bagong nakaka-rekober sa coronavirus disease sa Bataan habang pakaunti ng pakaunti ang mga bagong kumpirmadong kaso na nagpapababa sa mga aktibong kaso na ngayon ay 43 na lamang.

Sinabi ni Gov. Albert Garcia Miyerkules ng gabi na sa pinakahuling report ng provincial health office, nagtala ang lalawigan ng dalawang bagong kumpirmadong kaso at lima naman ang bagong nakarekober.

Umabot na sa 3,677 ang kabuuang bilang ng lahat ng nagpositibo sa virus at tumaas naman sa 3,554 ang mga gumaling na.

Ang mga bagong kumpirmadong kaso ay isang 50-anyos na babaing overseas Filipino worker sa Balanga City at 48-anyos na babae mula sa bayan ng Samal.

Tatlo mula sa Orani at tig-isa sa Balanga City at Samal naman ang ang mga bagong nakarekober na ang pinakabata ay 19 na taon at ang pinakamatanda ay 36 taon.

Nananatiling 80 ang nasawi.

Nagpaalaala ang governor na ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga aktibong kaso ng Covid-19 sa Lalawigan ay hindi dapat maging dahilan upang maging kampante lalo na ngayong katatapos lamang ng holiday season.

“Muling pinaaalalahanan ang lahat na sundin ang mga alituntuning pangkalusugan ng pamahalaan lalo na sa mga taong sumasailalim sa 14-day home quarantine bilang pag-iingat para na rin sa kapakanan ng mga mahal sa buhay, maging ng kapwa,” sabi ni Garcia.

Ang hakbang na ito, aniya, ay ginagawa upang masiguro na ang isang taong kagagaling sa labas ng lalawigan ay hindi nahawa sa sakit at malimitahan ang pagkalat nito kung siya man ay magpositibo sa Covid-19.

Makaaasa ang lahat na patuloy na nakatutok ang pamahalaang panlalawigan at maging ang bawat barangay health emergency response team upang subaybayan ang mga mangangailangan ng atensyong medikal at maiwasan ang pagdami ng kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa Bataan,” pahayag ng governor.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here