LUNGSOD NG BALANGA — Sa huling ulat ng provincial health office ngayong Huwebes, may anim na bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease na naitala sa Bataan.
Sinabi ni Gov. Albert Garcia na dahil sa pangyayari ay umabot na sa 240 ang bilang ng mga nagpositibo sa Covid-19 sa lalawigan.
Ang apat na bagong kumpirmadong kaso ay mula sa Mariveles na kinabibilangan ng isang 26-anyos na babae, 56-anyos na babae, 32-anyos na lalak,i at 30-anyos na lalaki.
Ang dalawang iba pa ay isang 42-anyos na lalaki mula sa Balanga City, at isang 33-anyos na babae mula naman sa bayan ng Pilar.
Umakyat sa 62 ang bilang ng aktibong kaso ng Covid-19 samantalang nananatiling 168 ang nakarekober at 10 ang pumanaw na.
Mula sa 5,235 na sumailalim sa Covid-19 test, 355 ang naghihintay ng resulta at 4,640 ang nagnegatibo na, sabi ng PHO.
“Upang hindi na dumami ang kaso ng Covid-19, patuloy ang ating tagubilin na palaging maghugas ng kamay, manatili sa inyong mga tahanan at kung kinakailangang lumabas ng bahay ay umiwas sa mga mataong lugar, magsuot ng face mask at mag–observe ng physical distancing na isang metro,” paulit-ulit na paalaala ng governor.