LUNGSOD NG BALANGA — Batay sa ulat ng provincial health office ngayong Biyernes, anim ang narehistrong bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan.
Sinabi ni Gov. Albert Garcia na dahil sa pangyayari, umakyat sa 228 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa lalawigan.
Tatlong araw na sunod-sunod na dumami ang mga bagong kaso ng nakamamatay na virus. Ayon sa ulat ng PHO, noong Miyerkules ay 23, Huwebes 10, at ngayong Biyernes ay anim.
Sa pagkakadagdag ng mga bagong kaso, pumalo sa 60 ang mga aktibong kaso ng Covid-19 sa Bataan, sabi ng governor.
Ang mga bagong kumpirmadong kaso ay isang 29-anyos na lalaking overseas Filipino worker mula sa Orion, 40-anyos na lalaking OFW mula sa Limay, 31-anyos na lalaki mula sa Abucay, 34-anyos na babae mula sa Morong, 19-anyos na babae mula sa Balanga City, at isang 57-anyos na lalaki mula sa Mariveles.
Nananatiling 158 ang bilang ng nakarekober na at 10 naman ang pumanaw na. Nasa 100 ang naghihintay ng resulta ng test samantalang 4,262 ang nagnegatibo.
Ayon sa PHO, mula noong ika-31 ng Enero hanggang sa kasalukuyan ay 4,590 na ang na–test sa Covid-19 sa Bataan.
“Upang hindi na dumami ang kaso ng Covid-19, patuloy ang ating tagubilin na palaging maghugas ng kamay, manatili sa inyong mga tahanan, at kung kinakailangang lumabas ng bahay ay umiwas sa mga mataong lugar, magsuot ng face mask, at mag–observe ng physical distancing na isang metro,” sabi ni Garcia.