Home Headlines Covid-19 sa Bataan: 5 bata sa 10 bagong kaso

Covid-19 sa Bataan: 5 bata sa 10 bagong kaso

917
0
SHARE

LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ngayong Huwebes ni Gov. Albert Garcia na may 10 bagong kaso ng coronavirus, kabilang ang limang mga bata, kaya umakyat sa 222 ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa mapanganib na sakit sa Bataan.

Ang mga bata ay isang 3-anyos na babae, 9-anyos na babae, at 7-anyos na babae mula sa Samal; 10-anyos na babae at 2-anyos na lalaki mula naman sa Orani.

Ang iba pang bagong kumpirmadong may sakit ng Covid-19 ay 41-anyos na lalaking overseas Filipino worker sa Morong, isang 22-anyos na babae mula sa Mariveles, at isang 19-anyos na babae, 34-anyos na lalaki, at 35-anyos na babae lahat mula sa Samal.

Sa panibagong 10 kaso, pumalo sa 54 ang bilang ng mga aktibong kaso o mga pasyenteng hindi pa gumagaling sa Covid-19.

Umakyat naman sa 158 ang bilang ng mga nakarekober matapos gumaling sa sakit ang isang 47-anyos na lalakimula sa Dinalupihan, 44-anyos na lalaki  mula sa Abucay, at isang 35-anyos na lalaki mula sa Orani.

Nananatiling 10 pa rin ang bilang ng mga pumanaw na.

Ayon sa provincial health office, nasa 175 ang naghihintay sa resulta ng Covid-19 test samantalang 4,107 ang nagnegatibo na. May 4,504 na umano ang sumailalim sa test buhat noong ika-31 ng Enero.

Samantala pinaigting ni Mayor Aida Macalinao ang contact tracing at paalaala sa pag-iingat matapos may narehistrong anim na bagong kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa bayan ng Samal.

Ayon sa contact tracing umano na pinangunahan ng municipal health office ng Samal, ang naunang nagpositibo noong Miyerkules ay dumalo ng isang pagtitipon ng kaarawan at ng lamay sa magkaibang barangay sa nabanggit na bayan.

Aming pakiusap na manatili sa mga tahanan, iwasanang mass gathering, maging malinis palagi sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay na may sabon at tubig, magsuot ng face mask at isabuhay ang safe physical distancing,” panawagan ni Macalinao.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here