LUNGSOD NG BALANGA — Isa ang patay mula sa limang kumpirmadong bagong kaso ng coronavirus disease sa Bataan, batay sa pinakahuling ulat ng provincial health office Martes ng hapon.
Ayon kay Gov. Albert Garcia, ang naitalang bagong namatay ay isang 65-taong gulang na lalaki ng bayan ng Dinalupihan. Mula sa apat, lima na ang nasasawi sa Covid–19 sa lalawigan.
Ang nasawi ay isa umano sa mga suspected cases noon pang Abril 21.
Ang kasabay nitong nakumpirmang positive sa virus ngayong araw ay mula sa Abucay – 6-year–old na babae; Balanga City – 3-year–old lalaki; Orani – 1-year–old lalaki; at ang kauna-unahan sa Bagac – 28-year–old na lalaki.
Nadagdag ang limang kaso sa anim na inireport ng PHO Martes ng tanghali kaya sa loob ng isang araw ay pumalo sa 11 ang bilang nito, dahilan upang umakyat sa 107 ang kabuuang kumpirmadong kaso ng Covid–19 sa Bataan.
Sa 2,141 na sumailalim ng laboratory examination, 11 ang bagong naitala kaya 1,324 na ang bilang ng negative ang test samantalang 710 ang naghihintay pa ng resulta.
Nananatili sa 22 ang nakarekober.
Sa pagkakaroon ng isang kaso sa Bagac, tanging ang bayan na lamang ng Morong ang nananatiling walang kumpirmadong kaso ng Covid–19 sa kabuuang 11 bayan at isang lungsod sa lalawigan.