LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ni Gov. Albert Garcia ngayong Linggo na may panibagong limang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan, tatlo dito ay overseas Filipino worker, batay sa report ng provincial health office Sabado ng gabi.
Ayon sa ulat ng PHO, mula nang mapasailalim sa modified general community quarantine ang Bataan halos araw-araw ay may nare–record na kaso ng Covid-19 sa lalawigan.
Noong Miyerkules, panimula ng MGCQ, may 23 kaso, Huwebes ay 10, Biyernes ay anim at Sabado ay lima.
Ang mga bagong kumpirmadong kaso ay isang 51-anyos na lalaking OFW mula sa Balanga City, 37-anyos na lalaki at 32-anyos na lalaki parehong OFW mula sa Pilar, 70-anyos na lalaki mula sa Mariveles, at 30 taong gulang na lalaki mula sa Pilar.
Dahil sa mga bagong kaso, umakyat sa 233 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa Bataan at 65 ang kabuuang bilang ng aktibong kaso o ang mga pasyenteng hindi pa gumagaling sa mapanganib na virus.
Sinabi ng PHO, sa kabuuan nananatiling 158 ang bilang ng mga naka–recover na at 10 naman ang pumanaw na. Nasa 98 ang naghihintay ng resulta ng test samantalang 4,358 ang nagnegatibo na.
Mula umano noong ika-31 ng Enero hanggang sa kasalukuyan ay 4,689 na ang na–test sa lalawigan.
“Upang hindi na dumami ang kaso ng Covid-19, patuloy ang ating tagubilin na palaging maghugas ng kamay, manatili sa inyong mga tahanan at kung kinakailangang lumabas ng bahay ay umiwas sa mga mataong lugar, magsuot ng face mask at mag–observe ng physical distancing na isang metro,” panawagan ni Garcia.