LUNGSOD NG BALANGA — Batay sa ulat ni Gov. Albert Garcia ngayong Huwebes, lalong dumami ang mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan na umakyat na sa 774 matapos magtala ng bagong 48 na kaso na itinuturing na pinakamarami sa isang araw mula nang magsimula ang virus sa lalawigan.
Nalampasan na nito ang 42 noong ika-23 ng Agosto na naitalang pinakamaraming kaso, base sa ulat ng provincial health office.
Lumalabas na marami ang nagkakahawahan dahil lumitaw sa resulta ng contact tracing na 37 sa 48 ang nagkaroon ng close contact sa mga nauna nang nagpositibo sa Covid-19.
Ang mga ito ay 15 mula sa Mariveles, siyam sa Pilar, walo sa Limay, apat sa Balanga City, at isa sa Hermosa.
Kabilang dito ang isang pitong buwang sanggol, 17-anyos, 5-anyos, 16-anyos lahat babae at 17-anyos at 13-anyos kapwa lalaki, lahat mula sa Mariveles; 13-anyos at isang taong gulang kapwa babae, at 10-anyos na lalaki, lahat mula sa Limay; 12-anyos na babae mula sa Balanga City, at isang taong gulang na babae mula sa Pilar.
Ang iba pa sa mga bagong kumpirmadong kaso ay pito mula sa Mariveles na kinabibilangan ng isang lalaking overseas Filipino worker at isang babaeng health worker, isang babaeng health worker sa Orani, isang babaeng health worker mula sa Balanga City, isang lalaki mula sa Morong na may travel history, at isa mula sa Orion.
Umusad naman sa 482 ang kabuuang bilang ng mga nakarekober na nang may 10 bagong gumaling. Ang mga ito ay apat mula sa Mariveles, dalawa sa Orani, at tig-iisa sa Dinalupihan, Limay, Bagac, at Samal.
Ang bilang ng mga aktibong kaso ay umakyat sa 276 habang nananatiling 16 ang mga pumanaw na.
Mula sa 12,567 na sumailalim sa Covid-19 test, 11,475 ang nagnegatibo na at 318 ang naghihintay pa ng resulta.