LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ni Gov. Albert Garcia ngayong Biyernes na isa sa tatlong bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan ay isang 13-anyos na lalaki na dahilan upang umabot na sa 463 ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa nakakatakot na virus.
Sa huling ulat ng provincial health office Huwebes ng gabi, kasama ng 13-anyos na lalaki mula sa Limay ang dalawa pang iba sa bagong kaso ng Covid-19 na lumabas sa contact tracing na nagkaroon ng close contact sa mga nauna nang nagpositibo.
Ang iba pa ay isang 32-anyos na lalaki mula sa Limay at 22-anyos na babae mula sa Orani na may travel history sa Manila.
Samantala, may limang bagong nakarekober kaya tumaas sa 277 ang lahat ng mga gumaling na sa Covid-19. Kabilang dito ang isang 64-anyos na babae, 34-anyos na lalaki at 31-anyos na lalaki, lahat mula sa Limay; 48-anyos na lalaki mula sa Balanga City, at 35-anyos na lalaki mula sa Abucay.
Ang bilang ng aktibong kaso ay 173 habang nananatili sa 13 ang pumanaw na.
Sa kasalukuyan, 7,993 ang nagnegatibo at 427 ang naghihintay ng resulta mula sa 8,883 na sumailalim sa pagsusuri sa Covid-19.