LUNGSOD NG BALANGA — Umakyat sa 189 ang bilang ng mga nagkasakit sa coronavirus disease sa Bataan matapos may apat na bagong pasyente na nasuring positibo sa mapanganib na virus, batay sa report ni Gov. Albert Garcia ngayong Martes.
Tatlo sa apat na bagong kumpirmadong kaso ng Covid-19 ay mga overseas Filipino workers, sabi ng governor.
Ang tatlong OFW ay dalawang taga-Limay na 50–anyos at 42–anyos na parehong lalaki, at isang 29–anyos na lalaking mula sa Abucay. Ang pang-apat ay lalaking 29 taong gulang mula sa Balanga City.
Tumaas sa 25 ang bilang ng mga aktibong kaso o mga pasyenteng hindi pa gumagaling sa Covid-19 dahil sa pagkakadagdag ng apat.
Sa kabuuan, nananatiling 154 ang bilang ng naka-rekober at 10 ang pumanaw na, sabi ni Garcia.
Sinabi ng provincial health office na sa 4,290 na sumailalim ng laboratory exam, 103 ang naghihintay ng resulta samantalang 3,998 ang nagnegatibo na sa Covid-19 test.