Home Headlines Covid-19 sa Bataan: 21 bagong kaso, 22 nakarekober

Covid-19 sa Bataan: 21 bagong kaso, 22 nakarekober

653
0
SHARE

LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ngayong Sabado ni Gov. Albert Garcia na nagtala ang Bataan ng 21 bagong kumpirmadong kaso at 22 mga bagong nakarekober sa coronavirus disease.

Sinabi ng governor na dahil sa mga nadagdag, umakyat ang bilang ng nagpositibo sa virus sa 640 at ang mga nakarekober sa 431.

Lumabas sa contact tracing na pito sa 21 bagong kaso ay nagkaroon ng close contact sa mga nauna nang nagpositibo. Sila ay anim mula sa Mariveles at isa mula sa Balanga City.

Apat naman sa mga bagong kaso ay mga nagtatrabaho umano sa labas ng Bataan, kabilang ang tatlo mula sa Limay at isa mula sa Dinalupihan.

Ang iba pa sa mga bagong kumpirmadong kaso ay lima mula sa Mariveles na ang dalawa ay mga health worker, dalawang lalaking overseas Filipino worker mula sa Dinalupihan, isang babaeng OFW mula sa Hermosa, at dalawa mula sa Limay na ang isa ay may travel history sa Pampanga.

Kabilang sa mga bagong nakarekober ay mga kabataan isang taong gulang na babae at 6-anyos na lalaki, parehong mula sa Dinalupihan; dalawang 16-anyos na lalaki mula sa Mariveles; 15-anyos na babae mula sa Balanga City; 15-anyos na babae mula sa Samal, at 13-anyos na lalaki mula sa Limay.

Ang iba pang bagong gumaling sa Covid-19 ay apat sa Balanga City, tatlo sa Dinalupihan, tig-dalawa sa Samal at Mariveles, at tig-iisa sa Limay, Abucay, Orion, at Orani.

Ang bilang ng mga aktibong kaso ay 184 habang nananatiling 15 ang mga nasawi na.

Mula sa 11,308 na sumailalim sa Covid-19 test, 10,525 ang nagnegatibo na, samantalang 143 ang naghihintay pa ng resulta, ayon sa provincial health office.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here