LUNGSOD NG BALANGA — Dalawa ang panibagong namatay sa coronavirus disease sa Bataan kaya umakyat na sa 45 ang lahat ng nasawi, samantalang anim namang musmos ang kabilang sa 31 bagong kumpirmadong kaso, sabi ni Gov. Albert Garcia ngayong Miyerkules.
Ang mga bagong nasawi na parehong babae ay isang 71-anyos mula sa Limay at 53-anyos sa Mariveles.
Dahil sa nadagdag na 31, umakyat na sa 2,448 ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa Covid-19 kung saan 431 ang mga aktibong kaso.
Ang mga bagong kaso ay 16 mula sa Morong, tig-apat sa Abucay at Dinalupihan, tatlo sa Mariveles at tig-iisa sa Balanga City, Limay, Orion, at Samal.
Kasama sa mga bagong nagpositibo sa virus ang anim na paslit – isang taong gulang na lalaki mula sa Dinalupihan, limang taong gulang na lalaki sa Mariveles, at tatlong taong gulang, dalawang limang taong gulang at pitong taong gulang, lahat mga lalaki mula sa Morong.
Umabot naman sa 1,972 ang kabuuang bilang ng nakarekober nang magtala ng 42 bagong gumaling na kinabibilangan ng 32 mula sa Mariveles, apat sa Balanga City, tatlo sa Dinalupihan at tig-iisa sa Limay, Pilar, at Abucay.
Sa kabuuang bilang ng 22,995 na sumailalim sa Covid-19 test, 20,202 ang nagnegatibo na habang 345 ang naghihintay pa ng resulta.