LUNGSOD NG BALANGA — Sa kauna-unahang pagkakataon, nagtala ang Bataan ng pinakamaraming bilang na 183 na bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa isang araw at nagpalobo sa kabuuang bilang nitong 1,636, batay sa ulat ni Gov. Albert Garcia nitong Linggo.
Sinabi ni governor na sa 183 kumpirmadong kaso, 157 ang mula sa Mariveles, 17 mula sa Limay, tig-dadalawa sa Abucay, Orion at Dinalupihan, at tig-iisasa Pilar, Morong at Balanga City.
Batay sa ulat ng provincial health office, ang datingpinakamatas na bilang ng bagong kumpirmadong kaso na natala mula nang magkaroon ng pandemya sa Bataan ay 102 noong ika-7 ng Setyembre 2020.
Umakyat sa 805 ang mga aktibong kaso o ang mga pasyenteng hindi pa gumagaling sa Covid-19. Nasa 24 pa rin ang bilang ng mga nasawi na.
Lumabas sa contact tracing na 17 sa mga kumpirmadong kaso ay nagkaroon ng close contact sa mga nauna nang nagpositibo sa Covid-19. Ang mga ito ay 10 mula sa Limay, anim sa Mariveles, at isa sa Balanga City.
Kabilang sa 17 ang dalawang taong gulang na lalaki, apat na taong gulang na babae, 11-anyos na lalaki, lahat mula sa Mariveles, at dalawang siyam na taong gulang na babae at lalaki at 13-anyos na babae mula sa Limay.
May 155 naman na mga in-patient sa isang ospital sa lalawigan ang nagpositibo rin sa virus na ang 151 ay mula sa Mariveles at tig-dadalawa mula sa Orion at Dinalupihan.
Ang iba pa sa mga kumpirmadong kaso ay pito mula sa Limay, dalawa sa Abucay at tig-isa sa Morong at Pilar.
Umabot naman sa 807 ang kabuuang bilang ng nakarekober na matapos madagdag ang 25 pasyenteng bagong gumaling sa mapanganib na sakit.
Ang mga ito ay 11 mula sa Balanga City, pito sa Mariveles, tatlo sa Pilar, dalawa sa Limay, at tig-isa sa Abucay at Orion. Kabilang sa bagong gumaling ang tatlong bata – walong buwang sanggol na babae at anim na taong gulang na lalaki mula sa Balanga City,at 11-anyos na babae mula sa Pilar.
Sa 17,198 na sumailalim sa Covid-19 test, 15,230 ang nagnegatibo na at 332 ang naghihintay pa sa resulta.