LUNGSOD NG BALANGA – Ipinahayag ni Gov. Albert Garcia ngayong Linggo ang magandang balita na 11 pasyente, walo rito ay mga health workers, ang bagong naka-rekober sa coronavirus disease sa Bataan.
Masayang ibinalita ng gubernador na batay sa huling ulat ng provincial health office, 107 na ang kabuuangbilang ng mga taong gumaling sa Covid-19 sa lalawigan.
Ang mga bagong naka-rekober na health workers mula sa Balanga City ay isang 33–taong–gulang na babae, 38–taong–gulang na lalaki, 34–taong–gulang na lalaki, 30–taong–gulang na babae, at 36–taong–gulang na lalaki.
Isang health worker naman ang gumaling sa Orion – 58–taong–gulang na babae; at dalawa sa Pilar – 33–taong–gulang na lalaki at 35–taong–gulang na babae.
Ang iba pang naka-rekober ay isang 70–taong–gulang na lalaki at 36–taong–gulang na babae mula sa Limay at isang 52–taong–gulang na babae mula sa Pilar.
Sa pinakabagong tala ng PHO, isang 27–taong–gulang na babae mula sa Limay ang nadagdag sa bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Covid–19 na umabot na sa 147 ngayon.
Nananatiling pito ang bilang ng mga pumanaw.
May 390 ang naghihintay sa resulta ng laboratory test, samantalang 1,960 na ang nag-negatibo, kabilang ang bagong 41 ngayong Linggo. Ayon sa PHO, mula noong ika-31 ng Enero hanggang sa kasalukuyan ay 2,497 na ang sumailalim sa test sa mapaminsalang virus.