LUNGSOD NG BALANGA — Isa ang bagong namatay sa coronavirus disease sa Bataan na nag-akyat sa pito ang kabuuang bilang ng nasawi sa lalawigan batay sa ulat ni Gov. Albert Garcia ngayong Huwebes.
Ang namayapa ay isang 72-taong-gulang na babae na mula sa bayan ng Hermosa.
Samantala, siyam naman ang nadagdag sa bilang ng mga naka-recover sa Covid -19 sa report ng provincial health office kaya umakyat ang bilang ng mga ito sa 88.
Ang mga bagong gumaling sa sakit ay 63–taong–gulang at 33–taong–gulang na kapwa lalaki sa Balanga; 39–taong–gulang na lalaki at 50–taong–gulang na babae sa Limay; 52–taong–gulang na lalaki sa Orani; 44–taong–gulang na babae sa Dinalupihan; 23–taong–gulang na babae sa Abuca; 26–taong–gulang na lalaki sa Mariveles; at 42–taong–gulang na lalaki sa Orion.
Sa 2,429 na na-test sa virus, 410 ang naghihintay ng resulta at 1,873 ang nasuring negative kabilang ang bagong 28.