LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ngayong Huwebes ni Gov. Albert Garcia na isa ang namatay at panibagong 29 na naman ang nadagdag sa mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan na ang kabuuang bilang ay umakyat na sa 373.
Isang 67-anyos na lalaki mula sa Dinalupihan ang pang-12 nasawi sa kinatatakutang virus.
Lumabas sa contact-tracing na 16 sa mga bagong confirmed positive ay nagkaroon ng close contact sa mga nauna nang nagpositibo sa Covid-19 matapos dumalo sa worship gathering na naganap noong ika-19 ng Hulyo sa lungsod na ito.
Ang mga ito ay isa mula sa Mariveles, tatlo sa Samal, apat sa Balanga City, at walo sa Abucay.
Sa ulat ng provincial health office noong Martes, 16 rin na dumalo sa nabanggit na worship service ang kabilang sa naunang 29 na kumpirmadong kaso ng Covid–19.
Ang iba pa sa mga bagong kumpirmadong kaso na nagkaroon ng close contact sa mga nauna nang nagpositibo sa Covid-19 ay 10 – tig-isa mula sa Limay at Balanga at tig-apat naman sa Mariveles at Abucay.
Kabilang sa 29 na bagong kaso ang tatlong overseas Filipino worker mula sa Abucay, Orion, at Mariveles.
May dalawang bagong nakarekober mula sa Abucay at Mariveles kaya umusad ng kaunti sa 240 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling na.
Tumaas naman sa 121 ang aktibong kaso o hindi pa gumagaling dahil sa sunod-sunod na pagdami ng mga tinamaan ng virus.
Nasa 235 ang naghihintay ng resulta ng test at 7,102 ang nagnegatibo na mula sa 7,710 na sumailalim sa Covid–19 test sa lalawigan, sabi ng PHO.
“Sumunod tayo sa itinakdang mga safety protocol at patuloy tayong manalangin,” patuloy na panawagan ng governor.