LUNGSOD NG BALANGA — Sa ulat ni Gov. Albert Garcia ngayong Miyerkules, nagtala ang Bataan ng isang patay at 23 bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus upang umakyat sa 443 ang bilang ng mga nagpositibo sa nakakatakot na sakit.
Tumaas sa 13 ang lahat ng nasawi na sa Covid–19 matapos pumanaw ang isang 77-anyos na lalaki mula sa Dinalupihan.
Unang nakumpirmang tinamaan ng virus ang isang overseas Filipino worker na seafarer mula sa Orion, na sinundan ng tig-isa sa Dinalupihan, Hermosa, Abucay, at Orani; dalawa sa Samal, apat sa Limay, at 12 sa Mariveles o kabuuang bilang na 23.
Kabilang sa mga bagong kumpirmadong kaso ng Covid– 19 ang tatlong kabataan na mula sa Limay na may travel history sa America. Sila ay 8-anyos na babae, at 16-anyos at 22-anyos na parehong lalaki.
Ang ilan sa mga bagong kaso ay nagkaroon ng close contact o nahawa sa mga naunang nasuring may Covid–19 at ang ilan ay in-patient na sa ospital.
Dahil sa mga panibagong kaso, tumaas sa 163 ang bilang ng mga aktibong kaso.
Samantala, may anim na bagong nakarekober kaya naging 267 ang bilang ng mga gumaling na. Ang mga ito ay tig-isa sa Dinalupihan, Orani at Mariveles, at tatlo mula sa Limay.
Sa ulat ng provincial health office, may 8,474 na ang lahat ng nasuri sa Covid-19 na ang 7,689 ay nagnegatibo na at 342 ang naghihintay ng resulta.