Ang loob ng bodega ng mga comestic products na may tatak na “Manila Province of China.“ Photo courtesy of FDA
LUNGSOD NG MEYCAUYAN — Nadiskubre ng Food and Drugs Administration ang mga samut-saring cosmetic products sa isang warehouse sa Meycauayan, Bulacan na umano’y may tatak na Binondo, Manila, ”Province of China.”
Ito ay sa pag–inspeksyon nitong Huwebes ng FDA ang isang bodega ng Elegant Fumes sa Barangay Libtong ng naturang lungsod sa pangunguna ni FDA-Region-3 chief Gomel Gabuna.
Ayon kay Gabuna, nag-ugat ang kanilang inspeksyon dahil sa unang natuklasang establisyemento sa Maynila na ipinasara ni Mayor Isko Moreno kamakailan dahil sa mga tatak na “Manila, Province of China.”
Dahil dito, hiniling sa kanila ng FDA legal office na inspeksyunin ang bodega ng Elegant Fumes na nakabase sa Meycauayan na pinanggalingan ng mga produkto ng ipinasarang establisimiento ni Mayor Moreno.
Sabi ni Gabuna, patuloy pa ang kanilang isinasagawang inventory at validation sa bodega para sa kabuuan ng mga produktong ito na may ganoong uri ng label.
Aniya, kadalasang nakita nila sa kanilang inspeksyon ay mga cosmetics products ang mga ganitong uri ng tatak na kanilang kukumpiskahin habang iiwan naman nila sa warehouse ang mga produktong hindi nila nakitaan ng iregularidad.
Ayon kay Gabuna, ang paliwanag sa kanila ng representative ng Elegant Fumes na ang mga produktong may tatak na “Manila, Province of China” ay pawang old stock na lamang at ini-recall na ang karamihan sa mga ito.
Sinabi pa sa kanila na nagkamali ang labeling na ipinadala sa China na imbes na Binondo, Manila, Made in China ay naging Binondo “province of China”.
Sa ngayon ay patuloy ang kanilang proseso at binibigyan ng due process ang naturang establisimento. Inamin pa niya na hindi maaalis na posibleng may kapatid na bodega ang kanilang ininspekyon.
Nanawagan si Gabuna sa publiko na sakaling may malaman silang reklamo ukol sa mga produktong ito ay maari nilang i-report sa FDA at kapulisan na kanilang tutugunan.