Cory, naniniwala sa prayer power

    407
    0
    SHARE
    BALANGA CITY – “Kung nasaan man si Cardinal Sin, alam ko na ipinapanalangin niya si Presidente Cory upang mapabuti ang kanyang kalagayan.”

    Ito ang pahayag ni Bishop Socrates “Soc” Villegas ng Diocese ng Balanga matapos ang Linggong misa sa St. Joseph Cathedral dito.

    Sinabi ng Obispo ng 11 bayan at isang lungsod sa Bataan na mabuting magkaibigan ang yumaong Jaime Cardinal Sin at si Pangulong Corazon Aquino hindi lamang sa gawain para sa bayan kundi para sa Diyos.

    Ang cardinal ay prime mover upang maluklok si Mrs. Aquino bilang Pangulo sa pamamagitan ng people power revolt noong Pebrero 1986. Si Villegas noon na spokesman at itinuring na parang anak ng cardinal ay nananatiling malapit sa biyuda ng nasirang Senador Ninoy Aquino hanggang sa ngayon.

    “Si Pangulong Cory ay presidente ng people power at siya mismo ang nagsasabi na ang people power ay prayer power kaya sa panahon niya ay naranasan natin ang kapangyarihan at kahalagahan ng panalangin,” sabi ng bishop ng Bataan.

    “Sa pagkakataong ito ng kanyang buhay na paglilingkod pa rin sa bayan ang patuloy niyang iniisip, panalangin din ang ating ihahandog kay Pangulong Cory upang ang kalooban ng Diyos ay patuloy niyang matupad at mapasa kanya ang kalusugan ng kaluluwa at katawan,” sabi pa ni Villegas.

    Tungkol naman sa tula niyang “Sumasampalataya Ako” na kailan lamang ay nilapatan ng musika ni Prof. Ryan Cayabyab, sinabi ni Villegas na ito ay handog nila kay Ginang Aquino noong magdiwang ng ika-75 taong kaarawan ang dating Pangulo dalawang taon na ang nakalipas.

    “Sumasampalataya Ako’ ang titulo nito sapagka’t dahilan sa kanya (Cory) ay tumibay ang ating pagsampalataya sa Diyos at ang ating pagsampalataya sa kabayanihan ng bawat Pilipino,” pagwawakas ni Bishop Soc.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here