Home Headlines Coop, power supplier nagtakda ng generation charges cap

Coop, power supplier nagtakda ng generation charges cap

655
0
SHARE

LUNGSOD NG SAN JOSE — Matatapyasan ang babayaran sa kuryente ng mahigit 35,000 na sambahayan at negosyo sa lungsod na ito para sa kasalakuyang billing period, ayon sa isang mataas na opisyal ng ng electric cooperative.

Sinabi ni Engr. Cesar Ubungin, general manager ng San Jose Electric Cooperative (Sajelco), na ang pagbabawas sa bill ng kuryente ay resulta ng kanilang pakikipagkasundo sa Global Power na itakda sa P10 per kilowatt hour ang price cap ng generation charges.

Nag-usap umano ang pamunuan ng Sajelco at Global Power sa pamamagitan ni Nueva Ecija 2nd District Rep. Joseph Violago nitong nakaraang Oktubre.

Ang Global Power na pag-aari ng San Miguel Corp. ang nagpapatakbo ng Masinloc coal-fired power plant na nagsusuplay ng kuryente sa Sajelco sa ilalim ng power supply agreement. 

“Sa halip na i-charge nila yung P14 o P13 mahigit, ika-cap niya sa P10/ kwhr so ‘yung balance ay ire-recover na lang ng San Miguel on a later date for a longer period of recovery,” paliwanag ni Ubungin.

Matatandaan na ang mataas na presyo ng kuryente sa lungsod na ito ay inalmahan ng mga member-consumer-owners (MCOs), kabilang na ang mga local na opisyal na humingi ng tulong sa ilang senador at Malacañang.

Ngunit sa taunang general assembly ng mga MCOs nitong Linggo ay ipinaliwanag ni Ubungin na hindi nag-iisa ang Sajelco sa pagkakaroon ng mataas na presyo ng kuryente dulot ng generation charges.

Nilinaw rin ng opisyal na ang generation charge ay pass-on na nangangahulugan na kung magkano ang singil ng supplier ay yaon mismo “walang labis, walang kulang” ang ipapasa sa consumer.

Sa katunayan, aniya, ay nasa taong 2009 o 2010 pa ang huling pagtataas sa kanilang singil. Highly regulated ang bayad sa transmission, distribution and metering, dagdag pa niya.

Ami Ubungin, ang pagtaas sa generation charges ay dulot ng pagtaas din ng demand sa coal at adjustments sa palitan ng piso at dolyar at iba pang global factors na nagdulot ng kakapusan ng supply ng coal at mataas na demand.

Mararamdaman ang pagbaba ng presyo simula sa billing period na Oct. 26 – Nov. 25, 2022, ayon sa kanya.

Tiniyak naman ni Ubungin ang kanilang reliability. “Kami dito sa Nueva Ecija siguro ang pinakamaganda ang system dahil kakaunti lang ang aming power interruption dito.” 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here