Contractual basis

    416
    0
    SHARE

    Itong pangako ni Allan Cayetano
    Na ang pangunahing tututukan nito
    Ay kabuhayan at dagdag na trabaho
    Kapag siya’y muling nahalal umano

    Nang sa gayon mahango sa kahirapan
    Ang mga ‘unemployed’ sa kasalukuyan,
    Yan ay malayo sa akmang kasagutan
    Kung bakit marami ang hirap sa buhay

    Kundi itong mayrun mang mga ‘vacant jobs’
    Na mapapasukan itong naghahanap
    Ay mahaba na ang abutin ng ‘six months’
    Si Juan sa trabaho kahit na masipag

    At kuwalipikado, liban sa maalam
    Sa kung anong ‘nature of work’ nitong tangan,
    Pagkat ng dahil sa ‘contractual basis’ lang
    Na pamalakad ay ‘jobless’ na naman yan

    Matapos ang takdang buwan na nasabi
    Na kung saan lagi ng ‘probationary’
    Sa trabaho itong kawawang ‘employee’
    Kahit ilang beses nang nakapagsilbi

    At makakita man uli ng trabaho
    Ay ganyan din naman ang hantungang piho,
    Kung kaya hanggang sa pagtanda ng husto
    Ni Juan ay ‘contractual’ pa rin sa trabaho.

    Kasi nang dahil nga sa klaseng batas
    Na aywan kung sinong sa Congress nagtulak
    Para ang ganito uring pamalakad
    Ay siyang pinairal at naipatupad

    Sa pagitan ng employer at employee
    Ay tunay naman pong ating masasabi,
    Na ang ‘author’ nito at ‘co-author’ pati
    Ay baka ni hindi nag-isip mabuti

    Bago isinulong ang ganitong batas,
    Na masasabi po nating hindi patas
    Ang kalakaran na binunga at sukat
    Sa panig ng nakararaming mahirap.

    Kaya panahon na upang ya’y baguhin
    Ng kung sinong mga mambabatas natin
    Na may malasakit, puso at damdamin
    Para sa bagay namarapat unahin

    Ng ating mahal at butihing Senador
    Na si Allan Peter Cayetano ngayon,
    Kung saan ang batas na balak isulong
    Kapag pinaladay ‘industrialization’

    At dagdag trabaho  na mapapasukan
    Ang nakararaming walang hanapbuhay;
    Pero sana naman ang uring ‘contractual’
    Na patrabaho ay kanya ring tutukan

    At ipa-‘repeal’ o susugan ang batas
    Na pumapatay sa panig ng mahirap
    At kaawa-awang empleadong marapat
    Mabigyan ng makataong pamalakad

    At karapatan na sila ay mapirmi
    Sa trabaho nila hangga’t maaari
    Kung qualified din lang at malusog pati
    Para magampanan ng husto ang ‘duty’.

    Pagkat kung ganitong lagi’t-lagi na lang
    Ang sistemang ninanais ipairal
    Nitong mga tusong kapitalistang yan
    Kailan mapipirmi sa trabaho si Juan?

    Kaya marapat lang sa naturang punto
    Na ang kalakarang ‘contractual’ na ito
    Ay isa sa unang dapat makastigo
    Ni Cayetano pagbalik sa Senado!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here