Home Headlines Consuelo de bobo

Consuelo de bobo

1526
0
SHARE

“WE WILL fight for your welfare, we will appeal sa GCG at kung kinakailangan ay sa Office of the President dahil yung naging basehan ay isang executive order.” Ito ang matinding pangakong binitiwan ni retiradong pulis-heneral Manuel Gaerlan, punong tagapagpaganap ng Clark Development Corp., bilang tugon sa karaingan ng mga manggagawa ng CDC sa napipintong pagpapatupad sa compensation and position classification system (CPCS) base sa Executive Order No. 150 ni Panggulong Duterte noong Oktubre 2021.

“I enjoin the members of ACCES na pagtulung-tulungan natin ito. We fully support you, we are one with you in convincing, hopefully, the Commission on Good Governance, so that they will reconsider,” ani pa Gaerlan sa isang online conference noong Hunyo 25 na dinaluhan ng mga lider ng union, partikular na ang Association of Concerned CDC Employees (ACCES).

Nagsagawa pa nga ng kilos-protesta ang mga manggagawa noong Hunyo 22 laban sa CPCS authority to implement mula sa Governance Commission for Government-Owned and -Controlled Corporations (GCG) na anila’y tiyak na magpapaliit, kundi man tuluyang mag-aalis, sa kanilang mga tinatanggap na benepisyo.

Ayon sa mga manggagawa, sa ilalim ng CPCS, mawawala na ang kanilang health coverage, retirement plan, cost-of-living allowance, housing, utilities and transportation allowances, Meritorious Service Pay (MSP) base sa taon ng serbisyo, at retirement package o separation pay na nakasalalay din sa haba ng serbisyo sa ahensiya.

Sa kuwenta ng ACCES, ang mawawala bawat buwan sa benepisyo ng bawat empleyado ay: P500, hazard pay; P750, pabahay; P750, utilities; P500, transportasyon; P1,000, COLA; at P1,500, subsidiya ng bigas. O kabuuang P5,000. Mahihinto rin ang meritorious service pay na P1,000 sa limang taon ng pagtatrabaho, P1,500 sa 10 taon, P2,000 sa 15 taon pataas, at taunang allowance sa uniporme na umaabot sa P10,000.

Sa kabilang banda, anila, tanging 35 sa top management, mula manedyer hanggang presidente, ang makikinabang sa taas-kita na ipinapatupad ng CPCS. Isang napakalupit na biro sa 635 na karaniwang empleyado na kaltas-kita naman ang hinaharap.

Ano ang latest?

Nitong nakaraang linggo, naka-upuan natin ang isang miyembro ng ACCES sa isang kapihan sa SM City Clark at ang bungad ko sa kanya ay kung ano na ang latest sa usaping CPCS.

“Suntok sa buwan ang umasa pang mapipigilan [ang pagpapatupad] niyan
[CPCS],” sagot nito.

O, paano na ang pangako sa inyo ni Heneral Gaerlan na ipaglalaban kayo? “Maniwala ka sa pulis…nangako na nga, tutuparin pa? Consuelo de bobo lang sinabi niya, para wala kaming masabi na wala siyang ginawa. Tiyempo pa, magbabago na ang administrasyon.”

Parang basa na ang papel ni Gaerlan sa inyo.

“Kailan pa ba siya nagpakita ng malasakit sa mga rank-and-file? Sa kanyang panahon sa CDC, tanging mga director at ‘yung upper management lamang ang nakinabang na, nagpakariwara pa.”

Mukhang may hugot ka.

“Tingnan mo na lang, nasaan ba si Gaerlan noong sinabi niyang kaisa namin siya at ipaglalaban niya kami? Sa New York. Ni hindi pa nga yata nakakapag-bukas ng kanyang maleta mula sa paglakbay niya sa South Korea, ayun lumipad na naman pa-Amerika.”

Ano ang gusto mong ipahiwatig?

“Wala kay Gaerlan ang kapakanan ng Clark, pati na mga manggagawa. Lalo’t higit wala ito sa mga board of directors.” Resibo?

“Sa hanay ng mga manggagawa, lahat ng benepisyong aming tinatamasa ay dulot ng CBA (collective bargaining agreement) ng unyon namin sa mga nakaraang CDC administration. Na ngayoy’s nakaamba namang wasakin at wakasin sa panahon ni Gaerlan.”

Sa aspeto ng freeport?

“May nakita ka na bang bagong investment sa Clark mula nang maging presidente ng CDC si Gaerlan?” Mayroon. Malalaki pa nga — Swissotel, Hann Casino Resort, Clark International Airport New Terminal.

“Kailan ba inumpisahan ang mga yan? Kailan ba nag-takeover sa CDC si Gaerlan? At ano ang kinalaman ni Gaerlan sa Clark airport e LIPAD na ang may hawak diyan.”

Sa suma ko, 2018 o bago pa nito nang mag-umpisa ang pagpapatayo sa Swissotel at Hann Casino Resort. Sa aking pagkakaalam, si Gaerlan ay umupo taong 2021.

Panahon na nga siguro na tanungin ang CDC kung ano ang naging accomplishments nito sa panunungkulan ni Gaerlan, lalo na nga’t magbabago ang administrasyon.

“Huwag niyong kalimutang itanong kung saan-saang lupalop sa daigdig siya nakarating, sampu ng mga CDC directors, at kung ano ang naiuwi nilang mga investments o benepisyo sa Clark mula rito. Pa-cost-benefit ratio niyo na rin – magkano ang kanilang ginastos at magkano ang nakuhang investment.”

Ay, naalala ko. Sa mga naunang pamunuhan ng CDC, tuwing maglalakbay sila sa mga investment missions ay palaging may report sila na ibinabahagi sa media kung ano ang resulta. Nawala na ito ngayon.

Nawaglit na rin yung taunan nilang ulat sa volumes of export and imports at gross and net earnings ng CDC at ang bilang nga mga bagong locators at bagong investments.

Ay, marami nga palang dapat itanong kay Gaerlan.

At bago ko makalimutan, ano na ba ang nangyari sa mga Isuzu Mu-X service vehicles (P2 million bawat isa) ng pitong CDC directors na ipina-recall sa order ng COA noong Abril 2021, nang higit tatlong buwan pa lamang si Gaerlan sa pagka-presidente ng CDC.

Pati na rin po yung pagpapataboy ng COA sa kanila mula sa siyam na villa na kanilang inokupahan at yung overpayment sa fuel expenses ng dalawa pang director.

Tila may katwiran ang miyembro ng ACCES na aking nakaupuan sa kapihan sa hugot nito sa pamunuhan ng CDC. Bagama’t may hibla pa rin ako ng pag-asa na mareresolba – sa panig ng mga manggagawa – ang isyu ng CPCS. Sa mga ibang naungkat dito, pagpaliwanagin nawa ng CDC ang aming kaisipan. O, baka naman hindi pa tapos sa pagliliwaliw sa Amerika si Gaerlan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here