(Karugtong ng sinundang isyu)
NA AYWAN kung takot lang na makasuhan
Kasama ng ilang dating kasamahan,
Na sinampahan na yata sa Ombudsman
Ng kasong ‘plunder’ at ibang katiwalian.
Kaya’t naisipan nitong dumistansya
Ngayong itong si Mam ang pinupuntirya
Sa umano’y iba’t-ibang anomalya
Na posibleng kinasasangkutan niya?
Pero anuman ang posibleng nagtulak
Kay Congressman upang ito ay kumalas,
Yan sa ganang aming sariling panukat
Sa constituents nito di makagaganyak
Upang kaipala ay suportahan niyan
Ang pagtakbo uli niya bilang Congressman,
Kundi bagkus isang pagpapatiwakal
Sa larangang kanyang kinatutuntungan.
At ngayon pa lamang nasisilip natin
Na siya’y di na muli pang tatangkilikin
Ng iba niyang lider sakali’t naisin
Nitong ang tulong n’yan ay pamuling hingin
Dahilan na rin sa kung nagawa niya
Ang siya’y maging traidor kay Pangulong Gloria,
Na nakatulong ng malaki sa kanya,
Di malayong gawin din n’yan sa kanila.
Pagkat kawalan ng pagtanaw ika nga,
Ng utang na loob sa nagbigay pala
Ang anumang gawing di kaaya-aya
Ng isa tao para sa kanyang kapwa.
Sabi nga ni Edpam: “I will never turn back
On allies who greatly helped me,” ( na siyang dapat,
Lalo sa pinagka-utangan ng lahat;
Ng tinatamasa sa kasalukuyan,
Ni Gonzales bilang isang Kinatawan;
Na lubhang nalasing sa kanyang tagumpay
Kaya ang lahat na ay nakalimutan?)
At nitong huli nang minsang bumisita
Kay Mam, sa St. Lukes si Governor Pineda,
Maysakit na nga siya ay naibulong pa
Na kung maari ay matulungan niya
Itong si Congressman Aurelio Gonzales
Upang mapadali nito ang pag’-release’
Ng halagang halos kuarenta milyones
Para sa programa nitong ‘scholarship’
Nangangahulugan na siya’y buong pusong
Sinusuportahan ng dating Pangulong
Gloria Macapagal – pagkat kung di ganun
May karamdaman na ay nagawa pa ‘yon.
Pero pagkatapos nga ng lahat-lahat
Ay bale wala lang at ang mas masaklap,
Sa iba ay biglang tumiket at sukat
Si Dong nang ni hindi sila nagkausap.
Kaya di malayong nagawa yan ni Dong
Bunsod na rin ng diskarteng iwas-pusoy;
Sapagkat posibleng ang kanyang koneksyon
Sa dating Pangulo di na makatulong.
Ngunit ano pa man itong nasa likod
Nitong diumano nga ay ‘audacious move’
Ni Cong para gawin ang ganyang pagkilos,
Sa ‘career’ niya walang buting maidudulot;
Kundi bagkus parang pagtampo ika nga
Sa kanin ang bigla niyang “pangangaliwa;”
At sa matayog niyang pangarap sisira
Sa araw ng bukas kung magkabisala!