Comelec, usad pagong kung umaksyon

    479
    0
    SHARE
    Kung ang Comelec ay hindi usad pagong
    Sa pagresolba ng anumang Petisyon,
    Na inaabot ng halos tatlong taon
    Bago lumabas ang pinal na desisyon

    Ay di mangyayaring ang “election protests”
    Na gaya ng kina Pineda at Obet,
    At ni Mr. Dy ng Isabela province
    O ng iba pa r’yan ay mag-“last two minutes;”

    At halos patapos na rin ang termino,
    Ng mga “protestee,” gaya ni Panlilio,
    Padaca at Jonjon… na Comelec mismo,
    Ang nagproklama ng kanilang panalo.

    At pagkatapos ay uutusan nila
    Ang tatlo upang diumano’y bumaba na
    Sa dahilang hindi raw talagang sila
    Ang mga tunay na panalo kumbaga?

    Base sa resulta ng petisyon nina
    Ex-Guv Benjamin Dy nitong Isabela,
    Obet ng Bulakan… laban kay Mendoza
    At Lilia, kontra kay Among sa Pampanga?

    Kung saan panalo nga raw sa “recounting”
    Itong sina Obet, Lilia at Benjamin;
    At kung saan pinal na’t marapat tupdin
    Ang utos na silang tatlo’y pababain;

    Kaya naman itong Obet ng Bulakan
    Ay atat na upang ang isa’y palitan?
    Pero sa Pampanga, tila kampante lang
    Ay di apurado ang panalo bilang.)

    At tila wala ng balak pang sipain
    Itong tinalo sa ginawang “recounting,”
    (Pagkat si Among Ed ay bababa na rin
    Sakali’t ito ay muli niyang talunin?)

    Pero bakit nga ba lubhang tumatagal
    Bago ang “Petition for Recount” po lamang
    Ay maresolba ng komisyong naturan,
    Kung ito ay ganap na tinututukan?

    Gayon din ang kasong diskwalipikasyon,
    Na dapat bago ang araw ng eleksyon
    Ay maresolba na… upang sa ganoon,
    Di na mapabilang sa puedeng humabol;

    Pero nang dahil nga sa ya’y usad pagong
    Aba’y matagal nang tapos ang eleksyon,
    Ay di pa rin naresolba ng Komisyon
    Ang simpleng kaso ng diskwalipikasyon;

    Gaya sa Sasmuan, na kamakailan lang
    Bumaba sa puesto ang may kasong ganyan;
    Kung saan ang dapat manalo’y nawalan
    Ng tsansang mag-Mayor sa puntong naturan;

    Pagkat kung ito ay inaksyunan agad,
    Malayong mangyaring ang umupo’t sukat
    Ay itong di naman talagang “qualified,”
    Kundi ang solong “candidate” na si Mozart!

    At kung saan itong bale Bise lamang
    Ang pinalad maging Alkalde ng bayan
    Nang si Velasco ay bumaba na, bilang
    Hindi lehitimong alkalde ng bayan.

    Na sana nga po ay si Mozart Panlaqui
    Ang panalo… kung ang Comelec ay hindi
    Usad pagong sa pag-“resolve” nito lagi
    Sa petisyong dapat ay minamadali.

    Na simpleng kaso nga lang ay inaabot
    Ng taon bago n’yan tuluyang ma-“resolved,”
    Kaya di malayong totoo ang kutob
    Ng iba na sila ay tutulog-tulog?


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here